Sweet Scam Romance (wakas)

By
30633

“SSSSSHHHHHH!” Malakas pa sa tunog ng alarm clock ang pagsaway na iyon ni Debbie sa mga estudyanteng lumilikha ng ingay sa loob ng malaking library ng Don Jose National High School.

Mapapatingin sa kanya ang isang grupo ng mga estudyanteng lalaki na responsable sa ingay. At pagkatapos ay magbubulungan ang mga ito na may kahalong mga impit na tawanan.

Kukunin ni Debbie ang isang puting maliit na karton na sadyang may nakasulat na “QUIET OR OUT?” at ipapakita ito sa mga estudyante.

Saglit namang matatahimik ang mga estudyante. Pero tulad nga ng sinabi ko, saglit lang iyon dahil pagkalapag pa lang ni Debbie sa karton ay muling magbubulungan ang mga ito na parang mga bubuyog.

Mapapapikit sa inis ang 36 years old na librarian. Pupunta siya sa pintuan at susubukang kuhanin sa tingin ang mga binatilyo.

Hindi naman siya nabigo.

“Yes madam!” tila nang-iinis na sagot ng pinakalider sa grupo na si Ram. Tatayo ito at susundan ng mga kasama palabas sa pintuan ng library. Susundan rin sila ng tingin ni Debbie at mananatiling nakatingin hangga’t hindi nakakalayo ang grupo.

“Hay, nakaka-stress talaga ang mga ganong estudyante, ginagawang tambayan ang library,” himutok ni Debbie sa sarili.

Pagsulyap niya sa iba pang naiwan ay nakatingin sa kanya ang mga ito habang in-e-exercise niya ang sariling leeg. Ikikibit niya pataas ang balikat at lalakihan ang mga mata na tila nagtatanong ng “ANONG TINITINGIN-TINGIN N’YO?”

Mage-gets naman iyon ng mga estudyante at halos sabay-sabay na magyuyukuan ang mga ito sa libro at tila seseryoso sa pagbabasa.

Sa wakas ay natapos rin ang nakakabagot na mga oras ni Debbie sa apat na sulok ng library na iyon bilang librarian.

Walong oras na wala siyang ginawa kundi ayusin ang mga libro, bantayan ang mga estudyanteng naglalabas-masok dito na nanghihiram at nagbabasa ng libro, i-check maya’t maya ang status ng mga books at kung anu-ano pang hindi siya interesado.

Ay correction pala, interesado nga pala siya sa mga libro, kasi dito umiikot ang buhay niya, sa mga librong walang sawa niyang binabasa. Saan nga ba talaga siya nababagot gayong gusto naman niya ang mga librong nakapaligid sa kanya?

Ah siguro sa buhay niya, kasi nagso-solo na siya sa buhay, nasa probinsya ang mga magulang at kapatid niya na abala sa bukid nila. Wala rin siyang masyadong kaibigan maliban sa loyal bff niyang si Leni.

At… Ah, oo nga pala, wala siyang lovelife. Since birth. Kaya naman bagot na bagot na siya! Hindi naman siya pangit, sabihin na nating manang lang siyang manamit na tinernuhan pa niya ng salamin sa mata, ang lakas kayang maka-matanda no’n!

Lalo na ‘pag nakapusod ang mahaba niyang buhok at isa pa, choosy siya, ang gusto niyang lalaki na ma-inlab sa kanya ay ‘yung katipo ng mga bida sa mga pocketbook na binabasa niya, e saan ba naman siya makakatisod ng gano’n, malamang sa panaginip lang niya!

O sige na nga, balikan na natin si Debbie or Maria Devorah Mendoza! A.k.a. Madam Debs sa school. Palabas na siya ng library at nakailang hakbang na siya.

Pero bigla siyang kinabahan.

Luminga siya. Nagpalinga-linga. At nang walang makitang tao sa paligid ay dahan-dahan siyang yumuko at tiningnan kung ano ang natapakan niya.

“Eeeeewwww!”

Isang patay na daga iyon na may dugu-dugo pa! Nataranta si Debbie. Hindi niya alam kung ano ang uunahin niyang gawin, sisigaw ba siya o susuka muna, o baka pwedeng sumuka muna bago sumigaw?

“GWAARRK!” Hindi na napigilan ng dalaga ang masuka.

Kasabay nang pagduwal niya ang pag-alingawngaw ng mga hindi na napigilang tawanan mula sa likuran ng malagong halamanan sa gilid ng library.

Galit siyang napatingin dito. Bahagyang gumalaw ang mga dahon. Mabilis niya itong nalapitan subalit mas mabilis ang karipas ng takbo ng mga estudyante palayo doon. Sila ang mga estudyanteng pinalabas niya kanina.

“GRRRRR! MAGSIBALIK KAYO DITO!” Sigaw ni Debbie.

Paika-ikang nilakad ng dalaga ang daan patungo sa CR kung saan siya maghuhugas ng paa.
“Mga salbaheng bata ‘yon, makikita nila!” inis na himutok ni Debbie sa sarili.

Halos maiyak siya habang hinuhugasan ang mga paa ng tubig mula sa gripo. Matapos maghugas ng paa ay humarap siya sa salamin.

“Okay lang ‘yan Debs, dapat sanay ka na sa mga ugok na ‘yon, mula pa man noong freshmen pa lang sila sa paaralang ito wala na silang ginawa kundi asarin ka, kaya dapat hindi ka lang sanay, kundi sanay na sanay na sanay na!

Pero ‘wag kang mag-alala, kasi graduating na sila ngayong taon na ‘to, sa wakas mababawasan na rin ang stress mo…” kausap ni Debbie sa sarili.(Itutuloy)