My sweet-creepy-stalker

By
26203

(Unang labas)

“Sa B, VERY SINGLE, ang UNO!” ang malakas na boses ni Esang na nangingibabaw sa bingguhan sa tapat mismo ng bahay nila. Bingo ang ­libangan niya kapag tapos na siya sa mga gawaing bahay at pananahi na ­siyang pinagkakakitaan niya ngayon sa edad niyang 20.

“Ano ba ‘yan ang alat ng bola mo Esang!” reklamo ni Weng, dalagang ina na suki na sa bingguhan.

“E ‘di ikaw na ang bumola!” sagot naman ng dalaga.

“Naku e mas maalat bumola ‘yang si Weng eh, sige na ituloy mo na Esang at namumuro na’ko!” singit ni Aling Susan na kilala sa lugar nila sa pagkakaroon ng maraming anak.

Nang sa dadaan ang bagong dating na si Jengjeng mula sa eskuwela. ­Second year na ito sa kursong HRM at umuupa sa isa sa tatlong pintong ­paupahan nina Esang. Ito rin ang pinakamalapit na kaibigan ni Esang.

“Oy Jeng, sali ka ha!” aya ni Esang.

“Oo sige, pahinga lang ako ng konti!”

Napa-second look si Esang sa kanto nang makita niyang may kasamang lalaki ang nanay niya na sa tingin niya ay ka-edad lang niya.

“Esang, nagmumurang kamatis ba ang mudra mo?” nakangiting biro ni Weng.

“Hoy, tumigil ka nga diyan, ‘wag mong itulad ang nanay ko sa’yo na ­pumatol sa bagets!” pikong sabi ng dalaga.

“Ito naman hindi na mabiro!” napasimangot na sagot ni Weng.

Sinundan ng tingin ni Esang ang ina at ang lalaki. Nagpunta ang mga ito sa bakanteng paupahan nila.

“Uy Esang bola na!” sabay siko ni Aling Susan dito.

“Wait lang, kayo muna, pakitantusan muna ang mga cards ko at ­tsitsika lang ako kay mudra!” tumayo si Esang at nilapitan ang ina at ang lalaki.

“O, Esang, ito si Jackson, ang bago nating boarder, Jackson ang bunso sa dalawa kong anak, si Esang.” Pakilala ni Aling Rosita sa dalawa.

Nakangiting inabot ni Jackson ang kamay sa dalaga. Alanganin man ay tinanggap pa rin ni Esang ang pakikipagkamay nito. Hindi niya malaman kung bakit parang may kakaiba sa tingin sa kanya ng binata.

“Bumibili kasi ako ng gulay kay Ka Fermin, sakto namang nagta­tanung-tanong ng mauupahan itong bagets kaya eto dinala ko dito sa paupahan ­natin.” Kuwento ni Aling Rosita.
Tumangu-tango lang ang dalaga at matipid na ngumiti.

Nang kumakain na sila ng hapunan ay nag-open si Esang ng usapan tungkol sa bago nilang boarder.

“Nay, ibig sabihin mag-isa lang siyang uupa diyan, e nasaan daw po ba ang pamilya niya?”

“Oo mag-isa lang siya, hindi ko na inusisa, basta ang importante e ­nakapag-advance na siya para sa anim na buwan!” nakangiting sabi ni Aling Rosita.

“Anim na buwan?” kunot-noong ulit ni Esang na tila hindi makapaniwala.

“Oo anim, six, sais, ano sa’n ka pa?”

“Wow, ibig sabihin may kaya sa buhay, pero bakit siya magsosolo? At dito pa talaga sa isang squatter’s area? Hindi ba kahina-hinala ‘yon?”

“Asus, ano namang kahina-hinala do’n, e bakit ang bff mong si Jeng ­nagsosolo rin naman sa isang paupahan natin diba?” si Rhoda. Ang ate ni Esang na matanda ng apat na taon sa kanya.

“E understood naman ‘yon kasi nasa province ang mga magulang niya… tapos ayaw naman niyang pumisan sa’tin, gusto niya ng privacy.”

“Kung may dahilan si Jeng, malamang may dahilan rin si Jackson, kung gusto mo ikaw na lang ang mag-interview sa kanya.” Nakangiting biro ni Rhoda sa kapatid.

“Dapat talaga ini-interview natin ang mga umuupa sa’tin, aba anong ­malay natin kung miyembro na pala ng sindikato o kaya nagtatago sa batas, o kaya drug pusher or user!”

“Miyembro ng sindikato? E mukha ngang hindi kayang pumatay ng lamok ang hitsura ng lalaking ‘yon eh, mukha nga siyang juding sa sobrang lambot ng looks!”

“O siya, siya, tama na ‘yang pagtatalong ‘yang, hayaan n’yo bukas na bukas din ay aalamin ko ang background ni Jackson para matahimik na ang kalooban nitong kapatid mo.” Ani Aling Rosita.

Pero hindi pa natapos si Rhoda, pabulong pa itong humirit sa kapatid.

“Ang sabihin mo curious ka kasi gwapo ang fez!”

“Tse!” pabulong ding sagot ni Esang sabay irap sa ate niya.

Sa Sto. Domingo na lumaki sina Rhoda at Rose Anne Soriano, apelyido ng nanay niya ang ginagamit nila. Mula sila sa Olongapo, pero lumipat sila dito sa Maynila mula nang iwan sila ng amang Amerikano noong maliliit pa lang sila. (Itutuloy)