Singil sa kuryente, mas tataas

By
95

Kinumpirma kahapon ng pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) na magpapatupad sila ng P1.44 kada kilowatt hour (kwh) na dagdag-singil sa kuryente sa buwan ng Marso bunga nang nakatakdang Malampaya maintenance shutdown simula ngayong buwan.

Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, malaki ang impact nang pagsasara ng Malampaya natural gas facility sa electricity rates dahil ito umano ang supplier ng tatlong power plants sa bansa, na may kabuuang generating capacity na 2,700 megawatts o 40 hanggang 45 porsiyento ng kabuuang requirement ng Luzon grid.

Nakatakdang sumailalim sa maintenance shutdown ang Malampaya mula Enero 28 hanggang Pebrero 18.

Sa pagtaya ng Department of Energy (DOE), ang electricity rates sa Marso ay posibleng tumaas ng mula P1.20 hanggang P1.44 kada kwh, dahil na rin sa impact ng Malampaya maintenance shutdown.

Gayunpaman pinag-aaralan nila ang mga paraan na maaari nilang isagawa para mabawasan pa ito.

Dahil dito, hinikayat din ng DOE ang mga consumers na magtipid sa paggamit ng kuryente.


SHARE