SHABU LAB SA MINAHAN

By

Isang pinaniniwalaang pagawaan ng shabu ang nadiskubre ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakalawa sa isang village sa Aparri, probinsya ng Cagayan.

Dito, ayon kay PDEA Cagayan Valley director Laurefel Gabales, nakakumpiska ang raiding team ng mga kemikal sa paggawa ng shabu na nakaimbak sa loob ng isang bodega sa isang pribadong mining site sa Tallungan Village, Aparri na minamantine ng Hua Xia Mining Corporation at pagmamay-ari nina Lito Lim at Michael Tan.

Bukod sa mga kemikal sa paggawa ng shabu, nakumpiska rin sa bodega ang shabu proces­sing apparatus at iba pang kagamitan sa paggawa naman ng mga pasabog.

Sinabi ni Gabales, dahil sa mahigpit na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, mahigpit din ang ginagawang pag-iingat at pagtatago ng mga drug manufacturers sa kanilang ilegal na operasyon kaya ginagamit na front ang mining site.

Gayunman sa nasabing operasyon, bigo naman ang PDEA na maaresto sina Tan at Lim pero kasama ito sa sasampahan ng kaso.

Base sa report, nagsagawa ng raid ang opera­tiba ng PDEA bandang alas-12:30 ng tanghali katuwang ang Cagayan police at Philippine Army’s 17th Infantry Battalion kamakalawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Apa­rri Regional Trial Court Judge Oscar Zaldivar.

SHARE