Sabungero kulong sa pekeng pusta

By
278

Natalo na nga sa sabong, nakulong pa! Ito ang kamalasang inabot ng isang lalaki nang mabistong peke ang perang pinampusta sa Lungsod ng Malabon kamakalawa.

Kinilala ang suspek na si Tony Delleveres, 47-an­yos, binata at taga-Baesa, Lungsod ng Quezon.

Sa ulat ng Malabon City Police, ganap umanong alas-singko ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng Del Monte Cockpit Arena sa Barangay Potrero, Malabon.

Napag-alaman na natalo umano ang suspek sa sabong dahilan upang agad siyang magbayad, ngunit nang inspeksiyunin ang nasa sampung pirasong P500 bills na ibi­nayad nito ay napag-alamang peke ang mga ito.

Doon na humingi ng saklolo ang guwardiya ng cockpit sa mga tauhan ng Malabon City Police Community Precint II at mabilis namang naaresto ang suspek.

Nang kapkapan ay narekober pa kay Delleveres ang siyam pang piraso ng mga pekeng P500 bills.

Nasa kustodiya nga­yon ng Malabon City detention cell ang suspek at nahaharap sa kasong pag­labag sa Article 168 ng Revised Penal Code (illegal possession and use of false treasury and bank notes) at estafa.


SHARE