Pumatay ng kapitbahay, todas sa buy-bust

By

Isang 31-anyos na magsasaka na pangunahing suspek sa pagpatay sa kanyang kapitbahay ang napatay makaraang tumangging magpaaresto at manlaban sa operatiba ng San Miguel police sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Batasan Matanda, San Miguel, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ni P/Supt. Isagani V. Enriquez, San Miguel police chief, ang suspek na si Richard Felipe y Ramos alias ‘Balat’, 31, may-asawa, magsasaka ng Brgy. Batasan Matanda ng nasabing bayan na namatay sa pook ng insidente bunga ng tama ng bala sa kanyang katawan.

Ang napatay na suspek na si Felipe ang siyang pangunahing suspek sa pagpatay sa kanyang kapitbahay na nakilalang si Rodolfo Bonna y Hernandez, 52, may-asawa at residente din ng Barangay Batasan Matanda, San Miguel na pinagbabaril sa kanyang tirahan noong nakaraang lunes.

Nabatid na naipasailalim sa buy-bust operation ng pulisya ang suspek matapos itong kumagat sa tran­saksyon subalit nang arestuhin na ito ay bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis hanggang sa nauwi sa engkuwentro na ikinasawi nito.

Nang mapatay ang drug pusher na si Felipe ay dito na kumanta ang ilang residente sa lugar na ito ang bumaril at pumatay sa kanilang kapitbahay kamakailan at ipinagyayabang nito ang kanyang kalibre .38 rebolber na kargado pa ng tatlong bala na siyang narekober ng awtoridad sa napatay na suspek bukod pa sa tatlong pakete ng shabu at marked money.

SHARE