Nakiinom lang, killer pala!

By

Patay ang 33-anyos na ama habang nasa malubhang kalagayan ang 16-anyos na anak nito makaraang pagbabarilin sila ng apat na hindi pa kilalang armadong kalalakihan na nakiinom lang ng tubig sa kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Aroroy, Masbate.

Dead-on-the-spot dahil sa mga tama ng bala sa katawan si Julito Manlapas, habang patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang 16-anyos nitong anak, Grade 11 student na binaril din ng mga suspek matapos saklolohan ang kanyang ama.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Police Regional Office (PRO) 5 sa Camp Simeon Ola, naganap ang insidente pasado alas-otso ng gabi nang kumatok ang apat na suspek na armado ng mahahabang kalibre ng baril sa bahay ng mga biktima sa Sitio Tabyon, Barangay Nabongsoran ng nabatid na bayan at nakiinom ng tubig ang mga ito.

Matapos makainom ay tinanong ng isa sa mga suspek ang matandang Manlapas kung saan nito tinatago ang kanyang baril, bagama’t nagulat sa tanong ay sumagot naman ang biktima na wala siyang baril.

Doon na ito pinagbabaril ng isa sa mga suspek dahilan nang agaran nitong kamatayan habang ang anak naman nito na narinig ang putok ay sumaklolo sa kanyang tatay subalit pati ito ay pinagbabaril din bago agad umalis ng lugar.

SHARE