Meet Me Halfway (22)

By
15011

Nagmulat ng mata si Gillian. Nagising siya sa sunud-sunod na banayad na halik ni Scott sa noo niya, sa ilong, sa pisngi at sa labi.

“Good morning mahal ko.” pabulong na bati pa ng binata.

“Good morning my love…”

Pagkasabi niyon ay napabalikwas ng ba­ngon si Gillian.

“Teka, anong oras na?”

“Ayan ka na naman eh, natataranta ka na naman…”

“Scotty, sigurado kakatukin na’ko ni inang sa kuwarto ko at malalaman niyang hindi ako doon natulog, lagot na naman ako nito!”

Nagmamadaling dadamputin ni Gillian ang damit isa-isa sa lapag. At saka nagbihis. Nakatingin lang sa kanya si Scott, napapailing.

“Gillian, my love, bakit kasi hindi pa tayo magsama?”

“Magsama? Alam mo naman ang dahilan diba?”

“Na meron ka pang mga pangarap na gustong tuparin? Okay, fine…”

“Mahal, ‘wag ka nang magtampo, kasi lagi naman akong nandito diba, lagi naman kitang pinagbibigyan sa lahat ng gusto mo, kasal na nga lang ang kulang pero darating din naman tayo do’n eh, ‘wag tayong magmadali.”

“Ang gusto ko lang naman kasi, ‘yung maging legal na tayo sa inang mo, at sa itang mo, sa buong pamilya mo…”

“ At least alam nilang ikaw ang boyfriend ko, yaan mo na muna ‘yung mga paghihigpit nila.”

Hahalikan ni Gillian sa noo at sa labi ang binata at saka lalabas ng silid nito.

Maiiwang nasa kama pa rin si Scott. Maya-maya ay tatayo siya at dadamputin ang mga damit saka magbibihis. Bubuksan ang drawer at kukunin dun ang isang bagay na nagpapawala sa mga alalahanin niya. Ang marijuana. Magbubukas siya ng computer habang gumagamit nito. Io-open niyan ang timeline ni Gillian at walang sawang ii-scroll ang mga pictures nito. Gustong-gusto niyang tinititigan ang mga larawan ng nobya. Para sa kanya isa itong anghel na bumaba sa lupa para pasayahin siya. Para bigyan ng kabuluhan ang buhay niya. Para maging dahilan sa pagtibok ng puso niya.

Pero kapag naiisip niya na wala pa sa isip ni Gillian ang pakiki­pag-isang dibdib sa ­kanya ay parang ­nakakaramdam siya ng ­disappointment. Gustung-gusto na kasi niya itong pakasalan at maging asawa. Maka­sama habambuhay. 31 siya at 26 naman si ­Gillian. Ready na siya pero si Gillian hindi pa.

Maingat na bubuksan ni Gillian ang bintana sa kuwarto niya at saka hahakbang papasok doon. Muli itong isasara at saka marahang hihiga sa kama at magkukumot. Makikiramdam siya. Alam niyang gising na ang mga magulang at anumang oras ay kakatukin na siya nito sa silid niya para mag-almusal. Ang mga ito kasi ang alarm clock niya para hindi siya ma-late sa pagpasok sa trabaho niya sa isang electronics company sa Laguna Technopark. Kapag kasi mismong alarm clock ang ginagamit niya ay pinapatay lang niya ulit at saka babalik sa pagtulog hanggang sa ma-late na nga siya. Pero paminsan-minsan nga ay tumatakas siya sa hatinggabi para sa apartment ni Scott magpalipas ng gabi. At susulitin nila ang bawat gabi na magkasama sila.

Sa Facebook sila nagkakilala ni Scott. Naging magka-chat, magkaibigan, hanggang sa magkadebelopan na nga at magpasiyang magkita. Independent si Scott at malayo sa mga magulang. Namumuhay itong mag-isa. Nagtatrabaho bilang supervisor sa isang super­market. Kaya naman nang maging sila ay nagpasya itong lumipat ng apartment malapit sa kanila nang sa ­gayon ay maging madali para sa kanila ang ­magkita at magkasama. Kahit pa medyo napalayo ito sa pinagtatrabahuhan. Sigurado siya sa ­sarili niya na hindi pa siya handang lumagay sa tahimik pero sigurado rin naman siyang mahal na mahal niya ang boyfriend at ito na ang gusto niyang pakasalan pagdating ng tamang panahon.

Napawi ang pagmu­muni-muni ng dalaga nang marinig ang sunud-sunod na katok at tawag ng ina.

“Gillian, ‘nak, ba­ngon na.”

“Opo, inang, nandiyan na’ko.”

Tatayo na si ­Gillian at sa harap ng mga magulang ay magkukun­waring kakagising lang. Magkukusot pa ito ng mata na tila ina­antok pa.

“Hay naku, siguro nagpuyat ka na naman kaka-chat mo dun sa syota mo no?”

“Si inang naman, boyfriend po hindi syota, para namang kanto girl ang anak nyo.” Reklamo ni Gillian habang tinutulungan sa paghahain ng agahan nila ang ina.

“Asus, ano bang pinagkaiba no’n, basta sinasabi ko lang sa’yo Gillian, mag-­ingat ka diyan sa boyfriend mong damong ligaw na ‘yan ha, hindi ko gusto ang style niyan sa buhay. Walang amor sa magulang niya at ­parang may sariling mundo.”

“Wag nyo naman po siyang husgahan inang.”

“Nagpapaalala lang ako sa’yo.”

Tahimik na kakain ng umagahan si Gillian kasalo ang mga magulang. Walang imik ang itang niya pagdating sa usaping pag-ibig niya, ang inang lang niya ang laging nagpapaalala at kumokontra kay Scott. (Itutuloy)


1
2
3
4
5
6
7
8
9
10
11
12
13
14
15
16
17
18
19
20
21
22
SHARE