Masaker sa QC

By
1326

Apat katao na kinabibilangan ng isang babae ang magkakasamang bumulagta at pawang may mga tama ng punglo sa kanilang mga ulo at katawan makaraang pasukin sa loob ng bahay at pagbabarilin ng tatlong kalalakihang pawang armado ng kalibre .45 baril sa Quezon City kahapon.

Sa report na isinumite kay QCPD Director Chief/Supt. Guil­lermo Lorenzo Eleazar ni PO3 Jerome Dollente, ng Criminal Investigation Detection Unit, ang biktima ay sina Donnie Rey Valenzuela y Villanueva, 28, single, ng No.43 Area 2; Julius Asuncion y Mariano, 28, ng Area 2, ­Luzon ­Avenue, kapwa ng Brgy. Old Balara; isang alyas ‘Mira Chua’ at isang alyas ‘Ate’. Nangyari ang masaker alas-12:00 ng hatinggabi sa Area 5, Brgy. Old Balara, QC.

Sa pahayag kay PO3 Dellente ng isang Maricel Magbalot, nakarinig umano siya ng kaguluhan kasunod ng pag-alingawngaw ng magkasunod na putok ng baril kung saan namataan nito ang tatlong armadong kalalakihan.

Ilang sandali pa ang lumipas ay nagsitakas na umano ang tatlong armadong suspek hanggang sa madiskubre na ang duguang bangkay ng mga biktima.

Agad ini-report ang ­insidente sa mga awtoridad at sinikap pang isugod sa East Avenue ­Medical Center ang mga biktima na idineklarang dead on arrival.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives sa pangunguna ni Chief/Insp. Mary Grace Alvarez, narekober sa crime scene ang 11 basyo ng bala ng kalibre .45 baril, isang bala at isang tingga.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung sino ang mga armadong suspek at kung ano ang motibo sa krimen.


SHARE