MALAWAKANG TIGIL-PASADA!

By

Posibleng sampol pa lang ang gagawing protest caravan ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at O­perator Nationwide (PISTON) sa Lunes, Mayo 22 sa mas malaking tigil-pasada sa darating na pasukan sa Hunyo 5 dahil sa napipintong phase out ng mga pampasaherong dyip, ayon sa tagapagsalita ng grupo.

Ayon kay George San Mateo, tagapagsalita ng PISTON, aabot sa 1,000 operator, drayber at mga kaanak nila ang makikiisa sa gagawin nilang protest caravan kontra sa napi­pintong phase out ng mga pampasaherong dyip na ang ipapalit ay ang mga e-jeepneys.

Dagdag pa ni San Mateo, hindi nila ka­yang bumili ng ipapalit na sasakyan dahil halos lahat ng jeepney drayber ay pawang mahihirap. Bukod dito ay maari ring tumaas ang minimum na pasahe sa P12 na magi­ging dagdag pabigat na naman sa mga commuters.

Nagbabala ang PISTON sa Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sakaling hindi pakikinggan ang kanilang hinaing ay magsasagawa sila ng malawakang tigil-pasada kasabay ng simula ng pasukan sa Hunyo 5 kapag hindi pa rin sila pina­kinggan ng mga nasabing ahensya.

Saad ni San Mateo, ang dahilan ng kanilang protesta ay ang pagkontra ng PISTON sa panukala ng LTFRB na palitan ng e-jeep ang mga jeepney nila. Hindi rin umano nakikipag-usap ang LTFRB sa kanila o nagbibigay man lang ng kopya ng Omnibus Franchising Guidelines tungkol sa jeepney phase out.

Samantala, ipinaliwanag naman ng DOTr na sa susunod na tatlong taon ay ipatutupad na ang moder­nisasyon sa mga public utility vehicles kabilang na ang mga jeepney suba­lit hindi naman daw nila pababayaan ang mga jeepney drivers at ope­rators dahil tutulungan daw sila sa gastusin ng modernisasyon.

SHARE