Lady student nalamog sa hazing

By
224

Bugbog sarado ang isang 18-anyos na estud­yante ng Lyceum of the Philippines matapos dumanas ng panggugulpi mula sa mga miyembro ng isang fraternity sa Las Piñas City kamakailan.

Patuloy pa ring nilalapatan ng lunas sa Makati Medical Center ang biktimang itinago sa pangalang ‘Anna’, 18, ng Balagtas St., Balagtas Villas, Pa­say City, 2nd year college ng kursong tourism sanhi ng tinamong sugat, pasa at paso ng kandila sa iba’t ibang parte ng katawan.

Sa report ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Tomas Apolinario, naganap ang hazing noong Enero 8 ng alas-10:00 ng umaga sa isang abandonadong bahay sa Ocampo St., Las Piñas City.

Ayon kay Apolinario, nakilala lamang sa mga alyas ang mga suspek na sina Yonara; Yuna; Marie at alyas Brandy, na pawang mga kaklase umano ng biktima at miyembro ng Tau Gamma Fraternity.

Kuwento ng biktima sa kanyang ina, niyaya umano siya ng kanyang mga kaklase na mag-outing kung saan pinagdala siya ng kandila at sako bago sila nagtungo sa abandonadong bahay sa lungsod ng Las Piñas.

Halos hindi umano makagulapay ang biktima sa tindi ng bugbog na dinanas nito matapos itong paghahatawin ng 50 beses mula sa sinturon at dos-por-dos ng kanyang mga kaklase.

Napag-alaman na tinakot ang biktima ng mga suspek na papatayin umano ito sa oras na hindi ito sumali sa kanilang fraternity. Wala umanong nagawa ang biktima kundi sundin ang utos ng kanyang mga kaklase.

Nang makarating na sila sa lugar ay dito na isinagawa ng mga suspek ang initiation rites o hazing sa biktima.

Kamakalawa ng umaga (Enero 9) nang isugod sa nasabing pagamutan si Anna ng kanyang mga magulang.

Dahil sa insidente, kahapon ng umaga ay nagtungo ang mga magulang ng biktima sa tanggapan ni SPD Director Apolinario upang humingi ng tulong at paimbestigahan ang dinanas ng anak.



SHARE