Kumikirot

By
153

Palaging sumasakit ang baywang ko. Marami akong iniinom na tubig. Sa magdamag isang galon ang dami ng ihi ko. — Name withheld.

***

Ikaw na rin ang nagsabi na madami kang iniinom na tubig. Palagay ko ‘yan ang dahilan kung bakit madami ang ihi mo. Bawasan mo ito para hindi maistorbo ang tulog mo.

Madalas sumakit ang ibabang bahagi ng likod dahil dinadala nito ang bigat ng itaas na bahagi ng katawan. Maaa­ring napinsala ang kalamnan o ligament mo dahil sa maling pagbuhat ng mabigat na bagay, pa­ngit na tindig o postura, o dahil wala kang e­xercise. Pwede ring suma­kit ang likod at baywang kapag tumaba o dahil sa mga malubhang sakit tulad ng vertebral fracture o ruptured disc.

Ang sumusuporta sa katawan ay ang spine o gulugod. Binubuo ito ng mahigit sa 30 na maliliit na buto o vertebrae na nakapatong sa isa’t isa. May disc na parang espongha na naghihiwalay sa bawat vertebrae. Para itong shock absorber na pumipigil sa vertebrae na kumiskis sa isa’t isa.

Kapag tumanda, nagiging manipis at nawawala ang nasabing espongha. Maaaring mapunit o mapinsala rin ang vertebrae. Ito ang dahilan ng degenerative disc di­sease na nagdudulot ng sakit.

Kung ang problema ay herniated disc (na kilala rin sa pangalan na slipped disc o ruptured disc), napupunit at napipinsala ang mga discs. Umuusli ito na parang bula sa gulong. Dahil mahina na, hindi na kaya nitong dalhin ang bigat ng katawan at sumasakit.

Ang ibang dahilan ng sakit ng likod ay baling buto na dala ng osteoporosis, arthritis, impeksiyon sa kidney, diabetes o naipit na nerve na may kasamang lagnat, pawis sa gabi at panginginig.  Pumunta sa doktor para makatiyak kung ano ang problema.

Kadalasan nawawala ang sakit ng likod kahit hindi gamutin pagkalipas ng ilang linggo. Kapag matindi ang sakit, magpahinga muna at humiga sa loob ng isa o dalawang araw. Huwag tagalan ang paghiga dahil nakasasama ito.

Pwedeng gumamit ng over-the-counter pain reliever o maglagay ng mainit o malamig na bagay sa masakit na baha­gi. Para mawala ang sakit, huwag manigaril­yo dahil masama ang epekto nito sa likod, tumayo at umupo ng maa­yos, at mag-exercise para lumakas ang kalamnan. Kapag may bubuhatin, mag-squat muna, kunin ang bagay at gamitin ang lakas ng binti at tuhod. Huwag yumuko at abutin ang bubuhatin ng nakatayo dahil baka ma­pwersa ­ang likod.


***

May problema ka ba sa kalusugan? Nais mo bang maliwanagan sa sakit mo? Mag-e-mail kay George Nava True II sa georgenavatrue@yahoo.com, mag-text sa 0935-972-0691 o mag-iwan ng message at i-like ang kanyang Facebook page Health Frontiers Online. Sasagutin niya ang mga tanong niyo dito. Si George ay beteranong health co­lumnist at author ng 3 health books.


SHARE