KASAMBAHAY NI AMY PEREZ, HINULI

By
1523

Inaresto at nakakulong ngayon sa QCPD District Special Operations Unit (DSOU) detention cell ang kasambahay ng aktres TV-host na si Amy Perez dahil sa kasong qualified theft.

Kinilala ni P/Supt. Rogarth Campo, hepe ng DSOU ang suspek na si Melrose Besano y Narciso, 37, single, tubong No. 21-Plaridel St., Mandalagan Bacolod City at stay-in sa bahay ng mag-asawang Amy Perez at Carlo Angelo Castillo, sa No.42-D. Mahabagin St., Brgy. Teacher’s Village East, Quezon City.

Si Besano ay pormal na inireklamo sa pulisya ng mister ni Amy Perez na si Carlo Castillo, nitong Feb. 14.

Nabuko umano ang matagal nang ginagawang pagnanakaw ng suspek matapos makarating sa mag-asawang Amy Perez na hindi nakakapag-remit ang mga ito sa Homeowners Association.

Lumilitaw na pinagkakatiwalaan umano ang suspek ng mag-asawang Amy Perez at Castillo na mangolekta ng monthly dues na nasa halagang P12,000.00 sa mga miyembro ng Home Owners Association sa kanilang compound at ito na rin ang pinagkakatiwalaang mag-remit ng collection sa Admin Office.

Subalit nitong buwan ng January ay hindi umano nakapag-remit ang suspek kaya naghinala ang mga biktima at agad nag-check sa kanilang kuwarto. Dito na rin natuklasan ang mga nawawalang tatlong wristwatch na kinabibilangan ng dalawang Philippe Stein watch na nagkakahalagang P130,000.00 at isang Cartier na nagkakahalagang P150,000.00.

Sa puntong ito ay nagsalita na rin umano ang isa pang kasambahay na si Bleizel Siotong na nakita umano nitong kinuha ng suspek ang nasabing mga mamahaling relo ng kanilang amo.

Dahil dito’y ipinagharap na ng reklamo at inaresto ang suspek na naging kasambahay na ng aktres TV-host halos apat na taon na.


SHARE