|
Nagpakalat na rin ng emergency at
rescue team ang tanggapan ni Senador Manny Villar mula noong Sabado
ng madaling-araw para sagipin ang may 1,300 biktima ng pagbaha na
dulot ng bagyong Ondoy.
Ang mga biktima ay nasagip mula sa mga lumubog nilang bahay, binahang
kalsada at pinagtatrabahuhan at inihatid sa ligtas na lugar ng malalaking
truck.
May 26 na malaking truck ang ipinakalat ng tanggapan ni Villar sa
Metro Manila hanggang Cainta at Antipolo City mula hapon ng Sabado
hanggang kahapon ng umaga. Kahapon ng umaga, lima pang malalaking
truck ang ikinalat para iligtas ang mga naistranded sa baha.
Sinisikap din ng rescue teams ni Villar na makakuha ng helicopter
at dagdag na mga pump boat para marating ang iba pang mga lugar
na apektado ng baha.
Gumamit rin kahapon si Villar ng helicopter kasama si Willie Revillame
para mamigay ng pagkain sa mga na-trap ng baha sa bubong ng kanilang
bahay sa Rizal, Valenzuela, Marikina, Bulacan at Cavite.
Ilan sa mga nasagip na biktima ay dinala sa mga evacuation center
sa SM centerpoint, San Beda, UST, Central Colleges of the Philippines
at Jose Rizal University.
Sinabi ni Villar na kailangan ding mahatiran ng pagkain at tuyong
damit ang mamamayang naistranded sa bubungan ng kanilang mga
bahay mula pa noong Sabado.
|