|
Ikalawang sunod na korona ang pilit na sasalukin ngayon ng La Salle Green Archers at University of the Philippines Lady Maroons sa paglusong ng men’s at women’s division ng 73rd UAAP swimming event sa Trace Aquatics Center sa Los Baños, Laguna.
Inaasahang magiging mahirap para sa Green Archers ang pagtatanggol ng kanilang men’s crown at pag-aasam ng ika-11 kabuuang top finish sa pagkawala ni three-time MVP Enchong Dee, na natapos na ang playing years sa paaralan. Nakapatong na ngayon sa balikat ng nakaraang taong rookie of the year na si Johansen Aguilar ang kampanya ng Taft-based squad.
Nasa panig pa rin ng Lady Maroons, na may kabuuang 15 titulo, ang pagpabor sa pool event dahil magbabalik muli sina Season 71 top rookie Jackie Junio, Marielle Infantado, Andrea Belludo, Claire Adorna, Queenie Lao at freshman Dennice Cordero.
Sa juniors division, lalangoy ang Ateneo Blue Eaglets na hangad ang pagkumpleto ng ‘six-peat’ sa boys division habang sa three-peat naman nakasilip ang University of Sto. Tomas sa girls event.
|