ADS 

Makasalanang pagnanasa

Msgr. Matthew Carlo O. delos Angeles SJC-OMF

Sinabi ni Jesus, "Ang sinumang tumingin ng may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon."

Maraming tao ang nagsasabing nasusunod nila ang mga utos ng Diyos, ngunit ang totoo nagagawa lamang nilang sundin ang kautusan sa kanilang mga panlabas na kilos, ‘pagkat ang kanilang mga puso ay puno ng mga makasalanang pagnanasa.

Ang kasalanan ay hindi lamang iyong mga nakikitang ginagawa ng tao. Tulad ng utos ni Jesus na ang mag-isip ng kahalayan ay kasingsama na rin ng aktuwal na paggawa nito. Gayundin ang mag-isip pumatay at iba pang mga bawal at masasamang pagnanasa.

Walang taong hindi makasalanan at ang kanilang mga puso ay puno ng mga masasamang pagnanasa. Kaya nga nararapat lamang na hatulan ang tao ng kamatayan. Ngunit hindi natin kayang iligtas ang ating sarili buhay sa kasalanan, kaya’t inako ni Kristo ang parusang kamatayan para sa ating mga pagkakasala.

Walang taong maliligtas hangga’t hindi niya nababatid na siya ay makasalanan at kailangang maligtas. Dapat nating aminin sa Diyos ang ating mga kasalanan, hindi lamang iyong mga makasalanang gawa kundi pati na rin ang ating mga masasamang pagnanasa at pag-iisip. Kapag naipahayag na natin sa Diyos ang ating mga kasalanan at napagsisihan saka lamang Niya tayo patatawarin at lilinisin. Pagkakalooban Niya tayo ng bago at malinis na puso at isipan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. At, kapag nakapagsisi na tayo sa ating mga kasalanan at nalinis ang ating mga puso, saka pa lamang mananahan at makagagawa ang Espiritu Santo sa ating buhay. Kailangan na rin nating iwan ang lahat ng bagay na magdadala sa atin sa kasalanan. Dapat na rin iwasan ang mga gawain, maging ang mga tao na maguudyok ng mga makasalanang pagnanasa sa ating mga puso. Sa patnubay ng Espiritu Santo, mapaglalabanan natin ang ating masasamang nasain at gawa.

Sinabi ni Jesus na kung ang ating mata o kamay ang magiging dahilan ng ating pagkakasala ay mabuti pang mawala ang mga ito kaysa mapahamak ang ating kaluluwa. Ang ating mata ay nagsisilbing kasangkapan upang makapasok sa ating isipan ang mga makasalanang pita o nasain. Habang ang kamay naman ang kumakatawan sa anumang bahagi ng ating katawan na gumagawa ng pagkakasala.

<BACK