Bakit matumal ang benta ng mga parol?

(Maria Ana Esternon)

 

Nalalapit na ang Kapaskuhan kaya tiyak na maglalabasan ang mga samu’t saring palamuti na akma sa mahalagang okasyong nabanggit.


Isa sa partikular na palamuti ay ang mga parol. Mga parol na ginamitan ng iba’t ibang uri ng materyales, lugar ng pinanggalingan, may iba’t ibang sukat at syempre ng presyo.


Bagaman Setyembre pa lang, inaasam na ng ilang mga nagtitinda ng parol na magiging matumal ang pagbebenta nito. Maaga pa nga naman. Ngunit sa aming obserbasyon, base na rin sa nakalipas na mga taon, may kahinaan ang benta ng mga parol. Lalo na ang mga naglalakihang parol na yari sa capiz at partikular na makikita sa lansangan gaya ng Roxas Boulevard, Makati at iba pa. Mahina ang benta kahit pa buwan na ng Oktubre hanggang mag Disyembre.


Base sa hinaing ng mga nagtitinda, may kahinaan talaga ang pagbenta ng mga parol lalo na ang mga gawa sa capiz. Daing din daw kasi ng mga mamimili ay ang mataas na presyo ng mga ito. Kaya naman marami sa nagbebenta ay nagbaba na ng presyo. Halimbawa ang dating P1,200 ay ibinaba nila ng P1,000 hanggang P900. Malaking kalugihan kung tutuusin ngunit kailangang maibenta na ito para bumalik at iikot pa ang puhunang nailabas.


Sa paglipas ng taon, ang mga parol na hindi nabili noon ay muling ilalabas para maibenta. Ang bagay na ito ay hindi nakakalusot sa ilang mamimiling mapili. Kumento nila, mahal na nga kupas pa ang dating makulay na mga parol. May ilan kasi rito ay nasisikatan ng araw. Idagdag pa riyan ang disensyong hindi na gaanong mabili sa mamimili. Disenyong hindi na ‘in’.


Ang mga bagay na tulad nito ay naging kalaban ng industriyang lumilikha at nagbebenta ng parol. Naging malaking hadlang ito sa kanila upang makabenta sana ng malaki. Kalaban din nila ang mga naglipanang mga pandekorasyon na mas mura, mas napapanahong disenyo, at ang iba’y inaangkat pa sa ibang bansa, tulad ng China.


Ang mga parol na ito na yari sa capiz ay tila mas mabili pa sa ibang bansa. Ibig sabihin may laban ang produkto natin. Pero sa atin hindi ganoon ang labanan. Maaaring kulang sa promosyon o suporta ng pamahalaan, ng industriya, o baka mas tamang sabihing kulang sa suporta ng mamamayan.


 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 

Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section