|
Tahasang sinabi kahapon ng Malacañang
na hindi untouchable si Deputy National Security Adviser Luis
‘Chavit’ Singson taliwas sa mga insinuwasyon hinggil
sa kinasasangkutan nitong kaso ng pananakit sa isang kinakasamang
babae.
Binigyan-diin ni deputy presidential spokesman
Anthony Golez na walang katotohanan ang mga paratang na “hindi
magalaw” ng palasyo si Singson dahil sa laki ng utang na loob
dito ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa dating Ilocos
Sur governor.
Matatandaang si Singson ang tumayong ‘key
witness’ laban sa kaibigang si noo’y Pangulong
Joseph Estrada sa kasong pandarambong na nag-ugat sa pagkakamal
ng yaman mula sa kita sa jueteng na isang uri ng illegal gambling
sa bansa.
Gayunpaman, nilinaw din ni Golez na hindi kailangang
patawan ng preventive suspension si Singson habang dinidinig ang
kasong isinampa rito ng common-law wife na si Rachel ‘Che’
Tiongson.
Sa halip ay ipinaubaya na lamang ng Malacañang
sa immediate superior ni Singson, na si National Security
Adviser Norberto Gonzales, ang pagpapasya.
Hindi rin kumbinsido ang palasyo na maiimpluwensyahan
ni Singson ang independenteng imbestigasyon ng Philippine National
Police (PNP) kahit pa aktibo itong gumaganap sa kanyang tungkulin
kaya’t walang makitang rason ang palasyo para isuspende o
pagbakasyunin ito.
Sa panig naman ni Gonzales, sinabi nitong ipapatawag
muna niya si Singson upang kunin ang kanyang bersyon sa reklamo
ni Tiongson bago siya gumawa ng kinakailangang hakbang.
Ngunit sa panig ng kababaihan, nagkakaisa ang
tinig ng mga ito para ipakulong si Singson.
“Kung ako ang tatanungin, dapat makulong
siya para magsilbing lesson sa kanya pati na sa mga kalalakihang
abusado sa kanilang mga partners,” ani Gabriela partylist
Rep. Luzviminda Ilagan.
Kaugnay nito, tinitiyak naman ng isa pang kinatawan
ng Gabriela, si Rep. Liza Maza, na hindi nila isusuko ang laban
ni Tiongson at handa nila itong suportahan hanggang sa pagkakamit
ng hustisya.
Hindi man itinanggi ni Singson ang pananakit
sa ka-live in ay pinangatwiranan nito ang nagawa sa pagsasabing
nahuli niya ang babae na may kasamang lalaki sa kanilang apartment.
|