 |
Alay Lakad para sa kabataan --- Dinagsa ng mga bagets ang idinaos na Alay Lakad 2010 na may temang: Hakbang sa Pagbabago, Alay sa Kabataang Pilipino. (Jonas Sulit)
|
Minaliit ng isang senador ang ginawang pag-ako ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa buong responsibilidad sa madugong hostage crisis incident noong Agosto 23 na nag-iwan umano ng impresyong inaabswelto na nito ang mga nagkulang na opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Sen. Joker Arroyo, bagama’t maganda aniyang pakinggan ang ginawang pag-ako nito ng responsibilidad, nagpapakita lamang aniya ito ng kahinaan ng kanyang presidency.
“Magandang pakinggan, maganda sa image (but) it amounts to nothing. Kapag sinabi niya iyan, ano ibig sabihin, absuwelto na iyong mga iniimbestigahan?” tanong ni Arroyo.
Sinabi ni Arroyo na “unnecessary” o hindi na umano dapat mag-isyu ng ganoong pahayag ang Pangulo dahil, “when you accept responsibility, you accept accountability”.
“Eh kaso wala namang kasalanan si Pangulong Aquino. Unnecessary comments ‘yun, and it cheapens his presidency. The President is always on top. Dapat above all siya,” giit pa ni Arroyo.
Naniniwala pa ang senador na maaaring nagkamali na naman ang mga advisers ng Malacañang sa pagbibigay ng payo kay Aquino.
“‘Yung mga advisers ni PNoy kasi gusto nila lagi may press release na earthshaking,” saad pa nito.
Paliwanag pa ng senador, kapag tinanggap umano ni Aquino ang buong responsibilidad sa nangyari, parang sinabi na rin umano nito na “libre” na ang mga opisyal na dapat managot sa insidente.
Noong Biyernes, inako ng Chief Executive ang buong responsibilidad sa nangyaring insidente at kasabay noon ang pansamantalang pagsasailalim sa kanyang superbisyon ang buong Philippine National Police (PNP).
Pinuri naman ng ilang senador ang ginawa ng Pangulo subalit iginiit nilang dapat pa ring may managot sa naturang pangyayari, partikular ang mga opisyal ng PNP at DILG.
Bilang reaksyon, sinabi ni Presidential Communications Operation head Herminio Coloma na hindi umano nagse-self destruct o nagsisira ng sarili ang Pangulo sa ginawang pag-ako sa responsibilidad sa nangyaring hostage tragedy.
Sa halip umanong kahinaan ng kanyang pagka-pangulo gaya ng sinasabi ni Arroyo ay pagpapakita ng isang tunay na leadership ang ginawa ni Aquino.
Kasabay nito, tiniyak naman ng palasyo na hindi porke’t inako ng Pangulo ang responsibilidad ay hindi na papanagutin ang mga mapapatunayang nagkulang o nagpabaya sa tungkulin na nagresulta ng madugong insidente.
Kaugnay nito, lumabas din ang grupong “Kaya Natin!” Movement upang sumaklolo sa Pangulo sa pamamagitan ng pag-apela sa taumbayan na bigyan ng pang-unawa ang kauupo pa lamang na lider.
“Huwag munang isisi kay PNoy dahil bago pa lang naman siya sa posisyon,” apela ng grupo na kinabibilangan nina dating Isabela Gov. Grace Padaca at Harvey Keh, convenor, sa ginanap na weekly forum sa balitaan sa Tinapayan sa Dapitan.
Kasabay nito, nagbigay ng ‘unsolicited advice’ para sa Pangulo ang mga ito. “Kasi ngayon, parang kahit na maliit na bagay itinuturo kay PNoy, kaya dapat talaga na magtalaga siya ng opisyal na magaling at may kakayahang mamuno at hindi kuwestiyonable ang pagkatao,” ayon kay Keh.
“Dapat na iyon ang bigyan niya ng priyoridad sa kanyang pamahalaan para sa good governance,” dagdag naman ni Padaca kung saan ipinaunawa nito sa lahat na hindi mangyayari “overnight” ang inaasam na pagbabago. |