Mukhang wala na yata talaga sa ayos itong ating
Pangulo.
Sino ba naman kasing matutuwa kung wala sa tiyempo at wisyo ang
kanyang mga proposals.
Gaya na lang ng plano niyang taasan ang sahod
mula sa Pangulo, bise-presidente, mga senador at kongresista. Buti
sana kung kakarampot din ang dagdag-suweldo para sa sinasabi nating
mga public servant, pero kung doble, aba’y malaking insulto’t
kalokohan na nga iyan sa publiko.
Lumalabas
na makasarili ang gobyerno dahil imbes na unahing itaas ang sahod
ng mga manggagawa sa pribadong sektor ng lipunan, mas binigyang-importansya
pa ngayon ang mga halal na opisyal na mayayaman na nga’y
plano pa nilang payamanin.
Hindi kaya nila naiisip na mas lalong magwawala
sa galit ang mga pribadong manggagawa sa planong ito?
Kung tutuusin, imbes na silang mga pabandying-bandying
ang umentuhan ay bakit ‘di na lamang ang ibang empleyado ng
gobyerno ang mas bigyan nila ng prayoridad gaya ng mga teachers,
sundalo, health workers, barangay tanod at iba pa na ‘di hamak
na mas ‘nagsusunog ng kilay’.
Kung talagang concern sa taumbayan ang ating
Pangulo at sinserong paangatin ang kabuhayan ng mga Pilipino, unahin
muna niya ang mga pobreng obrero dahil mas kailangan nila at mas
karapat-dapat silang makatikim ng wage increase.
Imbes na unahin ang sarili, ang mga kapritso
at pagiging self-serving, tingin nami’y mas karapat-dapat
na aksyunan ang matagal nang hinihirit na umento ng may 1.2 milyong
rank and file government workers.
|