|
“SALAMAT sa pangdededma mo sa akin, ha,
Teacher Marian?” sarkastikong pahabol pa ng mayor habang paalis
na sa lamay ni Mang Selo. “Pahiyang-pahiya ako, trust me!”
Hindi na lang ito pinansin ng dalagang guro.
Itinuon ang tingin kay Mang Selo, sa kabaong. Alam ni Marian na
kahit paano ay naiganti niya ang matanda laban sa mapang-insultong
punong-bayan.
A...kung puwede nga lang bang isigaw niya ang
kanyang hinala-na ang utak sa pagpaslang kay Mang Selo ay walang
iba kundi si Mayor Bentolin. Napikon ito kay Mang Selo; ito lang
ang may motibo para gantihan ang matanda.
“Marian...are you okay?” bulong
ng guwapong mayor ng Polar.
Pilit ang ngiti ng dalaga. “Okay lang ako, Isagani...”
“No, you are not okay, Marian...Hindi
mo ba napansin na labis mong nagalit ang inyong mayor?” bulong
ni Mayor Isagani Guerero.
“At ako ang isusunod niyang iligpit, ha, Isagani?” bulong
din ni Marian. “Gaya ng ginawa kay Mang Selo?”
“Marian, stop it. Wala kang katibayan,”
madiing payo ng binatang mayor ng Polar.
“Pero naniniwala kang capable of committing
heinous crimes ang aming alkalde, ha?”
Napabuntunghininga si Isagani. “Mahirap
sagutin ‘yan. Ang tama lang basihan ng anumang akusasyon ay
solid evidence, Marian.”
Napailing ang dalagang guro. “Kung maari
nga lang magsalita ang patay...masasabi sa atin kung sino ang kriminal...”
“But dead men tell no tales,” sabi
ni Isagani. “Iyan ang masaklap na katotohanan ng buhay.”
Tumango si Marian habang nagpapahid ng luha.
“Meanwhile, si Mang Selo ay patay na. Iyon din ang masaklap
na katotohanan.”
“Worried ako ngayon sa kaligtasan mo,
Marian.”
“Bakit naman?”
“Kasi nga’y ginalit mo ang inyong
mayor,” bulong ni Isagani.
“Pasensiya siya, sa inis ako sa kanya e...wala siyang magagawa.”
“Paano nga kung...gantihan ka?”
Pilit nagpapakahinahon ni Marian. “E di...maaga
akong tatabunan ng lupa...6 feet under agad ako kahit wala pa akong
26 at isang certified NBSB.”
“NBSB? Ano ‘yon?” naku-curious
na tanong ng binatang mayor.
“No Boyfriend Since Birth. Maraming nanligaw pero wala akong
sinagot. Wala lang, ayoko yata ng commitment na panghabambuhay,”
matapat na sabi ni Marian, nahihiyang nakayuko.
Nais mapangiti ni Isagani sa narinig. “Kapag
natagpuan mo na ang lalaking karapat-dapat sa iyong pagmamahal,
ikaw mismo ang magko-commit sa kanya ng buo mong pagkatao, Marian.”
“Gano’n?”
“Gano’n nga,” sagot ni Isagani. “Meanwhile,
worried nga ako sa kaligtasan mo.”
“May awa si Lord. Poprotektahan Niya ako.”
ITUTULOY
|