www.abante-tonite.com
   

Ang Patok na Home Based Industry

 


Napakaraming pakinabang mula sa mani. Bukod sa ito ay nakakain sa nilaga, inihaw, at piniritong anyo, ang mani ay maaari ring iproseso bilang peanut butter at peanut brittle, na popular maging sa bata man o matandang mamimili. Samakatuwid, bukod sa tuwirang pagbibili nito ay maaari rin itong maging daan sa ating pagtataguyod ng home-based industry.

Hindi kailangan ng maramihang manggagawa kung nais ninyong pasukin ang ganitong klaseng negosyo. Sapat na ang miyembro ng isang pamilya, o ang magkakapitbahay sa isang purok, para mag-ambag ng panahon at kakayahan sa dagdag hanapbuhay na ito.

Kung tutuusin, napakalaking bagay ang makatulong ang mga maybahay sa kanilang asawang magbubukid. At kung sa anumang kadahilanan ay hindi sila pwedeng tumulong ng tuwiran sa pagbubukid ng kanilang asawa, ay maaari naman silang maging aktibo sa pamamalakad ng isang home-based industry.

Ang mga kabataan naman na malimit ay maraming libreng oras matapos ang pag-aaral ay malalayo pa sa tukso’t mga bisyo kung sila’y tutulong sa pagtataguyod ng ganitong negosyo. Samantala, ang mga out-of-school youths naman, o ang mga kabataang hindi na pumapasok sa paaralan ay may mababalingan na paraan para sila’y kumita rin at maging kapaki-pakinabang hindi lamang sa kanilang sarili’t mga pamilya, kundi higit sa lahat, sa lipunan.

Bukod dito, ang pagtataguyod ng isang simpleng home-base-industry tulad ng paggawa ng peanut butter at peanut brittle ay maaari ring makatulong para gumanda at higit na maging maayos ang pakikitungo sa isa’t isa ng mga aktibong nagtutulungang miyembro ng pamilya’t komunidad.

Ang mga sandaling masasayang lang sana sa walang kakwenta-kwentang mga bagay tulad ng pagtsitsismisan o kaya’y pagbibisyo, ay maging daan pa tungo sa kaunlaran ng nakararami. Titibay na ang pagkakaisa ng komunidad, ay lalawak pa ang ating kaalaman, at madaragdagan ang mga oportunidad para tayo’y guminhawa.

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section