Isa pang matinding performance ang
ipinamalas nina Francisco ‘Django’ Bustamante at Dennis
Orcollo nang idemolis ng Team Philippines sina Satoshi Kawabata
at Naoyuki Oi ng Japan, 9-2, sa quarterfinals para dalawang panalo
na lang ang kailangang ilusot upang mapagharian ang 2008 PartyPoker.net
World Cup of Pool sa Outland Nightclub sa Rotterdam, Holland kamakalawa.
Dahil sa ipinapakitang husay, ang second-seeded Filipino duo
ng dati at kasalukuyang world No. 1 player, liyamado nang maagaw
nito ang isa sa pinaka-prestihiyosong korona ng billiards na huling
hinawakan ng bansa noong 2006.
Nakasampa na sa semifinals ng $250,000 event sina Bustamante at
Orcollo pagkatapos maipanalo ang 25 racks at natalo lang sa pito.
Ang susunod na match ng dalawa, suportado ng Villards: Tulong sa
Pagsulong ng Philippine Sports ni Senate President Manny Villar
at ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines,
ay kontra sa No. 6 United States nina dating world 10-ball titlist
Shane van Boening at Rodney Morris.
Makasisiguro na ng isa sa dalawang final slots ang mananaig sa laban.
Tinalo ng Americans sina Jasmin Ouschan at Martin Kempter ng Austria,
9-7, sa quarters.
Ang isa pang Final Four match ay sa pagitan ng defending champion
at top seed China kontra sa No. 5 England. Nanaig ang Chinese pair
nina Fu Jianbo at Li He-wen kontra No. 9 ng Italy nina Fabio Petroni
at Bruno Muratore, 9-2,
samantalang inungusan naman nina
world 9-ball champion Daryl Peach at Mark Gray ng England sina Ralf
Souquet at Thomas Engert ng Germany, 9-7.
Ang mananalo sa dalawang semis encounter ang magtutuos sa race-to-11
title duel sa Linggo rin (Lunes, 1:00 a.m., Manila time).
Tulad ng mga naunang tumbukan, ilang racks lang ang kinailangan
nina Bustamante at Orcollo bago nakuha ang ritmo at tuluyang rumatsada
laban sa Japanese pair. Lumusot sa mga Pinoy ang opening rack, pero
tinuhog ang sumunod na tatlo at hindi na binitawan ang abante tungo
sa pananaig.
|