|
INANG
labis na nagmamahal sa mga anak si Santina sa mga sandaling iyon
sa harap ng altar. Ang kataimtiman ng kanyang dasal na sana’y
makita ang tatlong batang naglayas ay abot na yata hanggang langit.
“Ako na lang po ang ikarma Ninyo, Lord. Huwag po ang aking
mga anak. Babalik na po ako sa tamang daan, ibalik Mo lang po sa
akin nang ligtas sina Letlet...”
Kaytagal niyang nakaluhod, hindi niya iindahin
ang masakit nang tuhod at ang hirap na dulot ng sakit at pagdadalantao.
“Tatalikuran ko na po ang buhay na mahalay at immoral. Ibabalik
ko po sa aking puso ang pananalig sa Inyo. Kailangan ko pong makita
ang aking mga anak, Lord...nagmamakaawa po ako...”
“Ubu-ubu-ubo.”
Napaigtad si Santina, hinanap ang pinagmulan ng pag-ubo. Alam niyang
nasa malapit lamang, sa labas ng adoration chapel.
Nagmamadali siyang lumabas ng dalanginan, naghagilap sa madilim
na paligid ang mga mata.
“Ubu-ubo-uboo.”
“Ate, nagugutom ako...” Boses ng batang babae.
“Maraming lamok...ayokong mahiga dito.” Nagreklamo rin
ang batang lalaki.
Tumindi na ang kaba ni Santina, tinakbo ang pinagmumulan ng ubo
at usapan. Sa gawi ng mga batuhang dekorasyon sa grotto.
Nagkagulatan sila ng tatlong batang naroon, sa dilim ay nagpakiramdaman.
“M-Mommy?”
“Letlet? Nonong? Denden?”
Luhaan sa galak na nagyakap ang mag-iina. Dininig ng langit ang
panalangin ni Santina.
Pinaghahalikan din ni Santina ang tatlong anak. Mula sa gabing ito
ay isinusumpa niyang hindi na sila magkakahiwa-hiwalay.
SA PROBINSIYA, sina Carlo at Grace ay sakay ng kotse patungo sa
isang sosyalan sa kapitolyo. Takdang magsalita sa grupo ng mga negosyante
si Carlo, bahagi ng pagpasok nito sa pulitika.
Si Carlo, habang nagda-drive katabi si Grace ay nagme-memorize ng
sasabihin sa audience. “Magtataguyod ako ng mga programang
pampamilya! Ididikdik ko sa ating mga kababayan ang kahalagahan
ng isang buong pamilya; wawasakin ko ang paniwala na kailangang
mangibang-bansa ang ama o ina para lang umunlad ang kabuhayan...”
“Carlo...Carlo, ‘yung laway mo-sumasabog. Nakakahiya
sa tao...”
“Grace naman, pinapahiya mo ako, e. Talaga bang sumasabog
ang laway ko, ha?” inis na sabi ni Carlo, nilingon ang katabing
kabit.
Si Grace ay napaigtad sa nakita. “Carlo! Mababangga tayo!
Oh my God! Eeeeeee!”
Huli na para makaiwas.
BRAAAMM. Pagkalakas-lakas ng impact ng banggaan ng dalawang sasakyan.
Ang kotse nina Carlo ay nawasak nang husto ng malaking trak ng basura.
Head-on collision. (TATAPUSIN)
|