|
Nagsimula nang magpanik ang mga kababayang domestic
helpers (DHs) sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang dahilan:
sapul ng pagsemplang ng ekonomiya ang kanilang mga amo at isa sa
opsyon ng mga ito ay pauwiin na sila (DHs) sa Pilipinas kahit hindi
pa tapos ang kanilang kontrata.
Isa si Cristy Arciaga, 46-anyos na DH sa Singapore, sa nahahawa
sa tensyon ng kanyang negosyanteng amo.
“My employer would turn on the television every morning to
check the latest stock market report even before breakfast. He is
often angry and tells me he might send me home before my contract
ends,” kwento ni Arciaga sa Agence France Presses (AFP).
Hindi na umano siya mapagkatulog sa kaiisip sa paulit-ulit pahayag
na ito ng iritado niyang amo. “What about my family? Two of
my children are still in college,” pag-aalala ng Pinay maid.
Ngunit hindi lang si Arciaga ang may ganitong alalahanin. Libu-libong
manggagawang Pinoy -- DHs, restaurant staff at mga obrero --
na nakakalat ngayon sa mayayamang lungsod sa Asya ang natatakot
na mapasama sila sa nakaumang na ‘mass layoff’ na huling
paraan ng pinapasukan nilang mga kumpanya at amo para makatawid
sa global financial tsunami.
Ang pinakamalaking problema ng mga overseas Filipino workers (OFWs)
na ito ay ang magugutom nilang pamilya oras na matigil ang pagpapadala
nila ng remittances na resulta ng pagkatanggal sa trabaho.
“In times of economic slump, the first thing that governments
do is crack down on undocumented workers because they are seen
as a burden to the economy and a problem to society,” ayon
naman kay William Gois, regional coordinator ng Migrant Forum in
Asia.
Sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS), nakumpirmang
nararamdaman na ng mga pamilyang Pinoy ang epekto ng global
crisis.
Kahapon ay ipininta na rin ni Sen. Mar Roxas ang napakasamang senaryo
sa hinaharap ng milyong OFWs bunga ng nangyayaring pagbabawas
ng mga empleyado sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Napakalaki ng epekto nito sa atin sa darating na
buwan. Pero may magagawa ang gobyerno para maiwasan ito. Kailangang
kumilos agad,” diin ni Roxas.
|