www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

Sunog sumiklab, 2 dalaginding sugatan

(Aries Cano)

 

Tinatayang may 30 pamilya ang nawalan ng tahanan at dalawang magkapatid na daalaginding ang nabalian ng buto sa katawan nang lumundag umano sa ikatlong palapag ng bahay matapos sumiklab ang sunog sa Port Area, Maynila kahapon ng madaling araw.


Batay kay SFO2 Emmanuel Gaspar, arson investigator ng Manila Fire Department agad naman nadala sa Manila Doctors Hospital ang magkapatid na biktima na si Hashiya, 16-anyos at Norpia Taja, 13-anyos kung saan kapwa nilalapatan ng lunas ang tinamong pinsala sa katawan ng mga ito.


Lumilitaw sa pagsisi­yasat na dakong alas-2:20 kahapon ng mada­ling-araw ng sumiklab ang apoy sa paupahang bahay ng isang nagngangalang Sapi Daon sa 12th Street, Port Area, Barangay 650, Zone 68 sa Maynila.
Mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang mga kalapit na kabahayan.


Bukod sa pagkabulabog ng mga residente ay naalarma din ang mga tauhan ng iba’t ibang establisimiyento na nakapalibot sa lugar kabilang na ang tanggapan at imprenta ng mga pahayagan dulot ng nasabing insidente.


Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog at pagsapit ng alas-3:12 ng madaling araw ay ganap na rin itong naapula sa pagtu­tulong-tulong ng mga bum­berong lulan ng mahigit sa 20 fire trucks na rumes­ponde sa lugar.


Ayon pay SFO2 Gaspar, may sampung bahay ang nawasak at umaabot sa P400,000 ang halaga ng mga napinsalang ari-arian.


Bagama’t patuloy pa na inaalam kung ano ang tunay na naging dahilan ng pagsiklab ng apoy hindi naman isinasantabi ng mga awtoridad ang posibilidad na maaaring may napa­bayaang kasangkapan na nag-overheat hanggang sa magliyab.


 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section