IKamatayan ang sinapit ng lalakeng humabol
sa dalawang kelot na nanghablot ng portable play station ng kanyang
kaibigan matapos itong tarakan sa dibdib kamakalawa ng gabi sa Antipolo
City.
Sa ulat ng pulisya ang nasawi ay nakilalang si Mar Jerard Reguinto,
20-anyos, binata, ng Everlast Compound, La Colina Subd., Bgy. Mambugan,
Antipolo City kung saan ang isa sa dalawang
suspek na naaresto ay pinangalanang Jose, 17-anyos ng Purok Maligaya,
Bgy. Mambugan, Antipolo City.
Lumalabas sa pagsisiyasat ni PO1 Nythan Hung na ang insidente
ay naganap dakong alas-10:40 kamakalawa ng gabi habang ang
biktima ay nakikipagkuwentuhan sa kaibigang si Yvette Urgelles,
20, dalaga ng Teremil Subd., Bgy. Mambugan.
Nasa harap ng bahay ang biktima nang bigla na lamang hinablot ng
dalawang kalalakihan ang hawak na portable play station ng dalaga.
Mabilis na nagtatakbo ang mga suspek subalit humabol ang biktima
upang mabawi ang PSP ngunit bigla na lamang itong dinaluhong ng
saksak sa dibdib.
Dahil napuruhan sa dibdib, natuluyang masawi ang biktima habang
matagumpay namang nasukol ng mga operatiba ang isa sa suspek sa
isinagawang follow-up operation.
|