Itinanggi ng hepe ng Legislative
Budget Research Monitoring Office (LBRMO) na nagkaroon ng P200 milyong
double insertion sa C-5 road extension project na agad sinegundahan
ni Senate President Juan Ponce Enrile.
Sa pagpapatuloy ng adjudicatory hearing ng senate committee of the
whole hinggil sa conflict of interest case laban kay Sen. Manny
Villar, nilinaw ni Atty. Yolanda Doblon, director-general ng LBRMO,
na hindi nagkaroon ng double insertion sa C-5 road project kundi
dinagdagan lamang ang orihinal na P200 milyon na alokasyon sa proyekto
noong 2008.
“We don’t consider it as a double entry but an addition,”
pagdidiin ni Doblon.
Ibinigay ng budget officer ng Senado ang deklarasyong ito matapos
kulitin ni Atty. Ernesto Francisco, abogado ng complainant na si
Sen. Jamby Madrigal, na sinadya ni Villar na ihiwalay ang appropriation
ng P200 milyon sa C-5 road project upang magkaroon ng dobleng budget
dito.
Ang posisyon ni Doblon ay sinuportahan naman ni Enrile na noong
panahong ginawa ang pagsingit ng karagdagang P200 milyon sa
C-5 road project ay siyang chairman ng Senate committee on finance.
“This corrects the impression that there is a double insertion,
there was only one insertion of amendment,” paliwanag ni Enrile.
Mistula namang sumang-ayon din si Sen. Panfilo Lacson sa pananaw
nina Doblon at Enrile, subalit nagpahayag pa rin ito ng pagdududa
sa intensyon ni Villar.
“It may not be a double insertion, I agree with the chair,
but it is obviously a redundant appropriation,” giit pa ni
Lacson.
Hindi naman bilib si Sen. Mar Roxas sa naging testimonya ni Doblon
lalo pa’t tila pinoprotektahan nito si Villar.
“Hindi naman po kayo bulag, hindi naman po kayo mahina, alam
naman ninyo ang kalakaran. Ang punto ko lang dito ay magpakatotoo
tayo,” bulalas ni Roxas.
|