|
Ngayon pa lamang ay
sabik na sina PBA OIC commissioner Sonny Barrios at Chairman Tony
Chua sa pagbubukas ng 2007-2008 season na may temang "Laban ng
mga Bida", na magsisimula sa Oktubre 14.
Sa SCOOP sa Kamayan
kahapon sa Padre Faura-Maynila, inihayag ng dalawang opisyal na
handang-handa na ang lahat at excited na rin sa magaganap na
maaksyong mga laro ng 33rd season.
"I’m looking
forward to an action-packed and a very attractive conference,"
ani Barrios, na sinabi pang isang high tech show sa opening ang
kanilang hinanda at tatampukan ng "watch out giant screen"
na halos kasing sukat ng buong court ngunit hindi na pinalawig pa
ang usapin upang masorpresa ang mga manonood. Magiging mga emcee sa
opening rites sina Wally Bayola at Jose Manalo ng Eat Bulaga, na
ayon sa commissioner ay magsisilbing mga "comic relief bago ang
pukpukan".
Si Bro. Mike Velarde
ng El Shaddai ang mangunguna sa invocation at si commissioner
Barrios ang magbibigay ng opening remarks habang si chairman Chua
ang pormal na magbubukas ng kompirensya, kung saan defending
champion ang paborito ng masa na Brgy. Ginebra Gin Kings.
Sa panig ni Chua,
binanggit nito ang napag-usapang planong pagpapagawa ng sariling
bahay ng liga, na pinangungunahan ni Buddy Encarnado ng Sta. Lucia
Realty ang komiteng nag-aasikaso.
"That was one of
the agenda during our meeting in Macau," ani Chua. |