|
Dumating na ang
pinakamahirap na bahagi ng paghahanda ng isang boksingero - - ang
pagkuha ng timbang.
Ngayong araw (Sabado)
ay gaganapin ang official weigh-in ng "Will to Win"
rematch nina Manny Pacquiao at Marco Antonio Barrera na gaganapin sa
Mandalay Bay Events Center simula alas-2:30 ng hapon (oras sa Las
Vegas) at ito’y bukas sa publiko.
Inaasahang walang
magiging problema sa timbang ng 28-anyos na Pambansang Kamao, dahil
kahapon (Biyernes) ay isang libra na lang ang kailangan nitong
alisin sa katawan, para umeksakto sa weight-limit na 130-lbs.
"Wala namang
problema, okey lang," tanging sambit ni Pacquiao na nag-jogging
pa nung umaga.
Kahit sa mga
nakalipas na laban ni Pacquiao, wala itong naging problema sa
timbang, dahil binantayan itong mabuti ng kanyang trainer, kung saan
kinailangan na nitong magbawas ng pagkain kagabi.
Nabanggit din ni
Jinkee, asawa ni Manny, na ito nga ang senaryong pinakamahirap sa
isang boksingero, tulad ng kanyang asawa, kung saan nagiging
mainitin ang ulo nito.
"Hayaan mo lang
siya, ganun talaga ‘yung mga nagbawas ng weight," wika ni
Jinkee, na tinapos muna ang kaarawan ng bunsong anak na si Princess
noong Lunes, bago lumipad patungong Las Vegas.
Ang kasagupa namang
si Barrera ay iniulat na wala nang kaba sa timbang, ayon sa
conditioning trainer nitong si Sendei Tanaka, isang Japanese na
nakabase sa Mexico.
"He’s feeling
good, no problem," wika nito.
CONCEPCION, GESTA WAGI
Sinimulan ng dalawang
Pinoy ang panalo sa Las Vegas noong Huwebes (Biyernes sa Manila)
nang magtala ng magkahiwalay na tagumpay sa sagupaang ginanap sa
Hard Rock Hotel & Casino.
Si Bernabe Concepcion,
reigning North American Boxing Federation super bantamweight titlist
(23-1, 13 KO), ay umiskor ng 9th round TKO win laban kay Sal Garcia
(14-5, 7KO) isang Mexicano na nakabase na umano sa California.
Habang si Gesta naman
ay nagtala ng 4th round TKO laban kay Carlos Vinan ng Ecuador.
Dahil sa panalo,
inaasahang aakyat ang rankings ni Concepcion. Bago ang laban, si
Concepcion ay pang-14 sa World Boxing Council (WBC).
Ang dalawang Pinoy
boxers ay undercard sa sagupaang Fernando Montiel at Luis Melendez,
kung saan napanatili ng una ang kanyang WBO super flyweight crown sa
pamamagitan ng 12th round TKO. |