Ambush kay vice mayor may lead na

(Nilo Marasigan)

May magandang lead nang tinutumbok ang mga awtoridad sa pag-ambush kay Lumban, Laguna Vice Mayor Zaldy Raga.

Ito ang inihayag ni Laguna Provincial Police Office Director, Police Sr. Supt. Felipe Rojas Jr., matapos namang ilabas kahapon ang artist sketch ng mga suspek sa pamamaslang base sa testimonya ng mga hawak na testigo sa krimen.

Ayon kay Rojas, inilarawan ang suspek na may 5’6"-5’7" ang taas, na edad 30-35; may kaitiman at nakaitim na sombrero at jacket.

Isang Special Task Group na Task Force Raga na aniya ang itinatag ng Laguna PNP na siyang tumututok sa agarang pagresolba sa kaso sa pamumuno ni P/Supt. Fausto Manzanilla Jr.

Sa kasalukuyan, malakas naman aniya ang anggulong pulitika na pangunahing motibo ng pagpatay.

Samantala, nabatid na nag-aalok na si Laguna Governor Teresita Lazaro ng P.2 M reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magreresulta sa pagkakasakote sa mga salarin. 

<BACK