ADS 

Senatong?

Arnold Clavio

Kailangan pa ng mas kumbinsidong rason mula sa kampo nina Senate President Manny Villar at Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, para di pagdudahan ang pagkakakansela ng public hearing ng kontrobersyal na broadband contract noong Miyerkules.

Ito ay sa gitna ng naging akusasyon ni Sen. Jamby Madrigal na tumawag umano ang isang ‘business tycoon’ para hilingin na ipatigil ang isinasagawang inquiry ng Senado.

Kapwa ito pinabulaanan ng dalawang senador. Pero ang duda ay nasa likod na ng isipan ng marami.

Sa laki ng halagang pinag-uusapan sa broadband deal, hindi imposibleng lahat ng mga personalidad na nasasangkot ay may presyo sa kani-kanilang ulo. Marapat lamang na magsampa ng pormal na reklamo si Madrigal sa Senate Committee on Ethics para pormal na maimbestigahan sina Villar at Cayetano.

Maaari rin naman na ang nagkakalat ng intriga laban sa dalawang senador ay layong siraan ang kredibilidad nila at madiskaril din ang isinasagawang inquiry ng Blue Ribbon committee.

Hindi puwedeng sabihin ni Cayetano na naitanong na nilang lahat kaya ipinagpaliban ito sa ibang petsa. Sa totoo lang, marami pang tanong ang walang kasagutan at hinahanapan pa ng dagdag na paliwanag.

Hindi ba maaaring pag-usapan ng komite kung may saysay pa ang public hearing matapos na tuluyang ibasura na ng gobyernong Arroyo ang kontrata sa ZTE Corp.? Nagwakas na rin ba ang anumang pananagutan ng mga personalidad dahilan sa desisyong ito ng pamahalaan? Kanya-kanyang damay na lang ang lahat ng naging akusasyon at kalimutan na ang napabalitang suhulan?

Kung natanong na lahat ni Cayetano, tulad nang inaangkin niya, bakit marami pang dokumento na ipinapakita ang talunang bidder na si Joey De Venecia III sa harap ng mga miyembro ng media? Mga dokumentong magpapatunay sa tunay niyang kuwento.

Ito ang naging problema ng komite ni Cayetano at iba pang komite ng Senado sa tuwing magkakaroon ng imbestigasyon. Tinatanggap nila ang mga binibigay na impormasyon ng isang nag-aakusa, kahit walang kaukulang dokumento. Gamit na pananggalang ang panunumpa bago magpahayag ng testimonya pero walang katiyakan na ang bawat sambitin ay katotohanan.

May ilang senador, noong nagko-cover pa ako ng Senado, ang nagpapa-presscon muna sa araw na magde-deliver siya ng privilege speech. Magbibigay siya ng nakakakiliting impormasyon pero bibitinin dahil sa takot na mademanda ng libelo ng inaakusahang opisyal. Dahil mabilis kumalat ang balita sa radyo, makararating sa departamento o personalidad ang bahagi ng magiging privilege speech ng senador.

Magugulat na lang ang mga reporter na hindi matutuloy ang kanyang talumpati. Idedepensa ng kanilang Chief of Staff na teknikal ang dahilan at mayroon daw mga bagong dokumento o impormasyon na dumating.

Hanggang sa di na matuloy ang privilege speech ng senador. Malalaman mo na lang na nakakuha na siya ng proyekto sa ilang isinusulong na badyet ng opisyal ng departamento.

May kompromiso bang namagitan kina Villar, Cayetano at ang umano’y business tycoon umano’y may malaking papel sa broadband deal? Ang simpleng pagpapabula ay di sapat. Habang mainit ang usapin, dapat ay tuluy-tuloy. Ang pansamantalang itigil ito ay hindi sa interes ng mamamayang Pilipino dahil nabibigyan ang mga inaakusahang tiwaling opisyales na makapaghanda ng kani-kanilang kasinungalingan.

Hindi ninyo puwedeng sabihin na huwag paniwalaan si Madrigal dahil ‘hearsay’ lang ito. Pero tinuruan ninyo ang publiko na maniwala kay Vidal Doble at kay Joey De Venecia at kay Romulo Neri, bakit hindi kay Madrigal?

Baka mapaglaruan na naman ang bayan at makalusot na naman ang mga magnanakaw ng kaban.

Lord, Kayo na po ang bahala!

<BACK