ESTUDYANTE DINURO NI SEN. ENRILE

Ni Boyet Jadulco

Matapos ang ginawang sunud-sunod na pagtataray ni Senadora Miriam Defensor Santiago, si Senador Juan Ponce Enrile naman ang gumawa ng eksena kahapon matapos na sitahin ang isang estudyante ng La Salle na basta na lamang kumuha ng litrato habang isinasagawa ang ‘budget hearing’ ng Commission on Human Rights.

Halos mamutla at mangiyak-ngiyak si Mark Jinel Galez, Masscom student ng La Salle-Dasmariñas nang duruin umano ni Enrile at sitahin dahil sa ginagawa nitong pagkukuha ng larawan.

"Why are you taking picture? Who are you?" pag-uusisa ng senador.

Kasabay nito, agad na ipinag-utos ni Enrile ang pagpapalabas sa estudyante dahil sa hindi naman daw siya guwapo para kunan pa ng litrato.

Dahil dito, lulugu-lugong lumabas si Galez ng C.M. Recto at J.P. Laurel Room kung saan ginaganap ang budget hearing.

Matapos ang pagdinig, nilapitan pa ni Enrile ang mga kaklase ni Galez at tinanong kung kasama nito ang napahiyang estudyante. Ayon pa sa senador, kapag may nangyari umanong masama sa kanya dahil sa pagkuha ng litrato, mananagot ang pobreng Lasalista.

Sa halos araw-araw na transaksiyon sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso, pangkaraniwan na ang pagdalaw ng iba’t ibang sektor ng lipunan, partikular na ang mga kabataang estudyante upang malaman kung anu-anong trabaho ang ginagawa sa Senado.

Kalimitan din, ang pagkuha ng larawan ng mga miron ay pangkaraniwan lamang kaya’t nagulat na lamang ang lahat nang magalit si Enrile sa naturang estudyante dahil lamang sa pagkuha nito ng litrato.

Kamakalawa lamang ay nag-init ang ulo ni Sen. Santiago matapos na tumunog ang cellphone ng isang staff ng senadora. Bagama’t hindi nalaman ni Santiago kung sino ang may-ari ng tumunog na cellphone, inatasan nito ang legislative pages at security personnel na arestuhin ang taong hindi nag-off ng cellphone sa kanyang hearing.

<BACK