|
Sa loob ng susunod na
limang taon ay inaasahan ng mga eksperto na pumalo ang Philippine
peso sa P25 kontra $1 US dollar.
Ito ang prediksyon
kahapon ni Presidential Adviser on Economic Affairs Joey Salceda,
kilalang ekonomista at kasalukuyan ding governor ng Albay.
Sa ambush interview
sa palasyo ay sinabi nito na basehan niya sa naturang prediksyon ang
tumatatag na labor force ng Pilipinas kung saan malaki aniya ang
posibilidad na lalong lumaki ang demand sa mga Overseas Filipino
Workers (OFWs) sa iba’t ibang bansa sa susunod na limang taon
dahil na rin sa manpower need ng mga bansang tulad ng China na
mahigpit na ipinatutupad ang one-child policy.
Kung mangyayari aniya
ito ay tataas ang remittances ng mga OFWs at magreresulta ito sa
pagtatag ng piso kontra dolyar.
Aniya, ganito rin ang
sapantaha ng ilang business groups sa bansa.
Sa kasalukuyan ay
naglalaro sa P45 kada $1 ang estado ng Philippine peso simula pa
nitong nakaraang Miyerkules. |