Simbahan: Alis na, JDV!

Nina Irish Ann Cruz at Eralyn Prado

Sa gitna ng pag-init ng pailalim na aksyong patalsikin si House Speaker Jose De Venecia Jr. bilang lider ng Kamara, nahiling naman ng Simbahang Katoliko na panahon na para ikonsidera ng huli ang pag-alis sa naturang posisyon.

Ayon sa ‘unsolicited advice’ ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles, matagal na rin namang hawak ni De Venecia ang Speakership ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya’t panahon na para bigyan naman nito ng tsansa ang iba para pamunuan ito.

"Matagal na nga siya (De Venecia) d’yan. Hindi naman dapat (patalsikin) pero bigyan naman ng chance ‘yung iba. Marami din namang capable e, so pagbigyan naman ‘yung iba," ani Arguelles.

Sa pananaw naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, masyado na umanong maraming nalalamang ‘baho’ ng gobyernong Arroyo si De Venecia kaya’t kung sakaling magkaroon ng ‘showdown’ sa pagitan ng Speaker at ni First Gentleman Mike Arroyo na idinadawit ng anak ni De Venecia sa broadband scandal ay si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo umano ang madadale.

Hinggil sa ugong na gumagalaw na ang puwersang magpapatalsik kay De Venecia sa trono ng Kamara, dedma ang mga kasapi ng majority bloc dito.

"Frankly, honestly and candidly and truthfully, I never heard of any. And nobody asked me or mentioned to me or suggested to me to change the Speaker. I have read a lot in newspaper. We never heard of any movement," ani House majority leader Arthur Defensor.

Sa kanyang pagkaalam ay taglay pa rin ni De Venecia ang suporta ng nakakaraming kongresista. Isang patunay umano nito ay ang pagkakalagay sa ‘back burner’ ng reklamong inihain laban sa Speaker sa ethics committee kaugnay ng pakikilahok ng anak nito sa bidding ng isang government project.

<BACK