|
|
|
SUBPOENA KAY FG
Isang higanteng
subpoena ang ibinalandra kahapon ng mga militanteng miyembro
ng Anakpawis at Kilusang Mayo Uno (KMU) sa LTA Bldg. sa Makati
City na pag-aari ni First Gentleman Mike Arroyo upang
puwersahin itong dumalo sa Senate hearing sa broadband-ZTE
deal. (Noel
Tolentino) |
Nagkakaisang sinabi
kahapon ng Malacañang at ng kampo ni First Gentleman Jose Miguel
‘Mike’ Arroyo na wala silang nakikitang dahilan upang dumalo ang
huli sa Senate hearing hinggil sa ZTE contract.
Sa phone interview kina chief
presidential legal counsel Sergio Apostol at chief of staff ni G.
Arroyo na si Undersec. Juris Soliman, wala na umanong dahilan upang
dumalo pa sa Senado ang Unang Ginoo dahil hindi ito direktang
inakusahan sa nilagdaang sworn
statement/affidavit ng negosyanteng si Jose ‘Joey’ De Venecia
III hinggil sa kontrobersyal na kontrata at hindi rin idinawit ni
acting Commission on Higher Education (CHED) Chairman Romulo Neri sa
isang sworn affidavit.
Katwiran din ng
dalawa, wala namang sasabihing anuman ang Unang Ginoo dahil
pinasinungalingang na nito ang bintang na nakialam sa negosasyon
para sa ZTE contract.
Nangangamba rin
sina Soliman at Apostol na magkaroon ng masamang epekto sa kalusugan
ng presidential spouse ang pagdalo sa Senado lalo na’t kasalukuyan
pa lamang itong nagpapagaling simula nang sumailalim sa open-heart
operation noong Abril.
Sa panig naman ni
Atty. Ruy Rondain, isa sa abogado ng Unang Ginoo, sinabi nito na
hindi pa nila ganap na ibinabasura ang pagdalo sa pagdinig ngunit
tulad ng dalawa ay naniniwala rin ito na wala na itong silbi pa
dahil nalinis na ang pangalan ng First Gentleman.
"His name is
clear, he made the proper explanation already. He already said the
truth," ani Rondain.
Dahil dito ay
nakatakda umanong konsultahin ng kampo ni G. Arroyo ang mga abogado
at doktor nito sakaling dumating na ang imbitasyon ng Senado.
Hiniling pa ng mga
ito na sana ay maging "considerate" at sensitibo ang mga
senador sa kondisyon ng Unang Ginoo ngunit iginiit na hindi umano
nababahala ang huli sa panibagong kontrobersyang kinakaharap.
Ngunit sa panig ng
Simbahang Katoliko, sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz
na higit umanong makakabuti para kay G. Arroyo kung haharapin nito
sa isang pormal na imbestigasyon si De Venecia, kinatawan ng
natalong bidder na Amsterdam Holdings Inc. (AHI). "If he
(Arroyo) can, he should attend it (Senate hearing) so he could
answer the accusations of Joey De Venecia. It will not look good if
he will remain quiet," anang obispo.
Ito rin ang
paninindigan ng mga militanteng grupong Anakpawis at Kilusang Mayo
Uno (KMU) na nagbalandra ng higanteng subpoena sa harap ng LTA Bldg.
sa Perea St., Makati City na pag-aari ng Unang Ginoo upang igiit na
hindi dapat balewalain ang naturang summon.
"The First
Gentleman should let the truth come out. He should appear before the
Senate and even the people just to show that he has nothing to hide
as he keep on insisting. The people deserves nothing less than the
truth," ani Randy Evangelista ng Anakpawis.
Samantala, mismong
ang presidential adviser on economic affairs ni Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo na si Albay Gov. Joey Salceda ang nagrekomenda
kahapon na mahalagang magkaroon ng maayos na ‘closure’ sa Senate
investigation patungkol sa ZTE deal.
Ayon sa opisyal, kung
siya umano ang tatanungin ay nais niyang magkaroon ng ‘final
report’ ang Senado sa isyu upang malaman ang katotohanan kung
nagkaroon talaga o hindi ng iregularidad sa kinanselang kontrata.
Tinutulan din nito
ang anumang pagtatangka na muling buhayin ang proyekto para ibigay
sa bagong kontratista.
Kahapon ay iginiit
din ni Anakpawis partylist Rep. Crispin Beltran na hindi dapat
magkawatak-watak ang mga senador ngayon laban sa maanomalyang
kontrata, bagkus ay marapat umanong muling magkaisa ang mga senador
upang ipagpatuloy ang nasimulang pagsisiyasat sa kontrobersya.
|