KARTADA 5

Cabinet secretary nagsungit sa abroad

Nagsungit pala nang wala sa lugar ang isang miyembro ng gabinete ni PGMA sa isang nakaraang foreign trip matapos ma-feel na kukuyugin siya ng media dahil sa nakanselang National Broadband Network (NBN) project.

Bulong kay Mang Teban, masyadong ‘defensive’ itong si cabinet member dahil nag-hi at hello lamang sa kanya ang media ay bigla itong nag-dialogue nang "Pass muna ako, wag n’yo muna akong tanungin sa NBN," sabay talikod sa mga kausap.

Pinagtawanan tuloy ito ng mga bumati ditong reporters porke nga wala naman silang balak na interbyuhin agad si cabinet member lalo na nang makita nila na nakakunot na ang noo nito nang makita sila.

Naganap ang pagsusungit ni cabinet member sa lobby ng tinutuluyan nilang hotel kung saan naka-poste sa ambush interview ang ilang miyembro ng media.

Ang ipinagtataka lamang ng mga nag-cover na reporters ay bakit ganoon ang "arrive" ni cabinet member gayung ang iba naman niyang kasama sa gabinete ay magalang na nagpa-unlak sa interbyu kahit na maingat sa pagsasalita.

Pintahan n’yo na: Si cabinet member na ‘feeling important’ at mahilig mag-sungit nang wala sa lugar ay ang Kalihim na ka-look alike daw ng isang kontrobersyal na TV host.

<BACK