|
Alam nating ang
pagkakahati ay isang negatibong pangyayari. Tunay namang wala itong
buting ibinubunga. Ngunit kung ang nagkakawatak-watak ay ang puwersa
ng kasinungalingan, ng mga kawatan at ng kasakiman, aba’y
mabuting-mabuti ito.
Sa isang krimen
halimbawa, mahirap makamit ang hustisya kung solido at nagkakaisa
ang mga sangkot na indibidwal. Kung hindi sila mababasag para
magsabi ng katotohanan at mangumpisal sa kanilang nagawang krimen.
Pero kung mayroong isa sa kanila, kahit isa lang, ang magsisimulang
makonsensya para ‘kumanta’, isang malinaw na daan na ito tungo
sa katarungan.
Halos nakakasiguro na
rin kasing yanig na ang iba pang dawit lalo pa nga’t mali ang
kanilang ginawa. Hindi talaga makakatagpo ng kapayapaan ang mga ito.
Dito sa samu’t
saring pagpapasabog ng baho at anomalya, mahalagang mayroong
partisipante ng iregularidad na makonsensya at magsabi ng totoo.
Kahit nga hindi buong katotohanan, kahit singaw lang muna, maganda
na itong simula.
Hanggang ngayon,
bagama’t may kani-kanya na ring konklusyon ang bawat isa sa atin
base sa mga narinig at naibunyag na mga impormasyon, wala pa rin
talagang kongkretong linaw ang mga kontrobersyang ito. Partikular sa
tinutukoy natin ay ang hindi pa rin namamatay na broadband deal.
Sabi pa nga ni Sen.
Joker Arroyo, ayaw ng mga fixers ‘yan. Mula nga naman kay Jose ‘Joey’
De Venecia III na kumakatawan sa AHI hanggang kay dating Comelec
Chairman Benjamin Abalos na nag-ahente naman para sa ZTE Corp.,
parang lahat ay gustong mangomisyon.
Ito rin ang punto ni
Sen. Miriam Defensor-Santiago na naniniwalang kung "everybody
happy" sa transaksyong ito at lahat ay ‘masaya sa kanilang
kinita’, hindi naman talaga sasabog nang ganito ang kontrata.
Maganda naman ang
resulta sa pagsabog nila. Kanselado na ngayon ang broadband deal sa
ZTE. Nagbitiw na rin si Abalos sa Comelec at ngayon ay kakasuhan pa
si Joey De Venecia at kapwa opisyal na si socioeconomic planning
Sec. Romulo Neri. Patunay na talagang nagkawatak-watak sila.
Kung ganito lang ang
mangyayari sa lahat ng malasadong proyekto at kinangkong na mga
kontrata ng pamahalaan, aba’y mapoprotektahan ang interes nating
mga taxpayers. Masusugpo ang kurakot at hindi masusubo sa
hinokus-pokus na mga proyekto at transaksyon tayong mga kaawa-awang
mamamayan.
Kaya kung minsan talaga, may maganda
ring dulot ang pagkakahati-hati e.
|