Paring Pinoy lilitisin na 

(JB Salarzon)

Simula sa Oktubre 25, sisimulan na District Court of Eastern Virginia sa Richmond, USA ang paglilitis kay Fr. Rodney Lee Rodis sa kasong pagbulsa umano ng tinatayang $1 milyon na pondo ng kanyang dalawang parokyang pinagsilbihan.

Ang 51-anyos na Pilipinong pari ay kasalukuyang nakapiit sa Central Virginia Regional Jail sa Orange habang hinihintay ang kanyang pagharap sa sala ni District judge Richard L. Williams.

Kung mapapatunayang guilty, makukulong ng 20 taon sa bawat isa sa 13 na kasong isinampa laban sa kanya.

Nag-ugat ang mga kasong isinampa sa kanya nang pagnakawan niya umano ang pondo ng St. Jude Catholic Church sa Mineral at Immaculate Conception Church sa Bumpass, na parehong nasa ilalim ng Diocese of Richmond.

Inihain ang kasong "State of Virginia versus Rodney Rodis" sa Federal District Court sa isang arraignment noong Sept. 6 kung saan naghain ng not guilty ang pari sa walong asunto ng mail fraud, dalawa sa wire fraud at tatlo sa money laundering. 

<BACK