Laro bukas: (The Arena,
San Juan)
2:00 pm --- Adamson vs La Salle (Adamson leads battle for third,
1-0)
4:00 pm --- SSC vs UST (SSC leads finals series, 1-0)
Idiniin ni Lou Ann Latigay ang karapatan niya para sa nakuhang conference
MVP award nang hatawin niya ang 15 points, kabilang ang 11 kills,
sa madaliang pagdemolis ng San Sebastian Lady Stags sa University
of Sto. Tomas Tigresses, 25-21, 25-19, 26-24, kagabi sa opener ng
kanilang best-of-three Shakey’s V-League 5 second conference
finals showdown sa The Arena sa San Juan.
Ganado at inspiradong laban ang ipinakita ng 4-time NCAA champions
para lumapit sa titulong tatlong pagkakataon nang nakakawala sa
kanilang kamay.
“Wala naman kaming ginawang bago, sinamantala lang namin na
wala si (May Jean) Balse sa third set. Nawala ang yung receiving
at depensa namin sa third set buti na lang naka-regroup,”
ani SSC coach Roger Gorayeb, na nasa kanyang ikaapat na finals appearance,
ikatlo laban sa UST.
Pumalo si guest player Suzanne Roces ng 13 points habang may 11
markers si Analyn Joy Benito para sa Lady Stags.
Nakaalagwa ang Tigresses 21-17 sa third set na tinapos ng dalawang
sunod na service ace ni Aiza Maizo. Ngunit bumawi naman ang SSC
ng 4-point spurt para itabla ang laro. Muling nagpantay ang iskor,
24-all, bago humataw si Roces ng atake na sinundan pa ng block ni
alumna Jinni Mondejar para masungkit ng SSC ang tagumpay sa loob
ng isang oras at 17 minuto.
Trinangkuhan ng 12 points ni alumna Venus Bernal ang three-time
titlists UST.
Samantala, nakamit din ni Latigay ang best scorer plum. Kinipkip
pa ng kanyang mga SSC teammates na sina Rysabelle Devanadera at
Mary Jane Pepito ang best attacker at receiver awards, ayon sa pagkakabanggit.
Nabiyayaan din ng awards si La Salle player Jacqueline Alarca (blocker);
mga Adamson stars na sina Janet Serafica (setter) at Lizlee Gata
(digger); at si Maizo (server).
Sa ikalawang laro, namumuro na sa pagkuha ng third place plum ang
first conference champions Adamson nang kumamada ng conference-high
32 points si guest player Neriza Bautista para iangat ang Lady Falcons,
25-15, 21-25, 24-26, 32-30, 15-10, sa opener ng kanilang best-of-three
series ng Lady Archers.
|