Kung hindi isang tambak na gago at sipsip ang mga taong nakapaligid
kay Pangulong Gloria Arroyo, baka maliwanag sa ating isip at maniniwala
na mayroon namang nagawang mabuti ang Pangulo.
Hindi ito malaman ng tao dahil ang kanyang mga tagapayo ay walang
ginawa kundi magpalapad ng papel. At iyan naman ang gusto ni GMA.
Huwag mo siyang kokontrahin. Baka wala kang
makuhang pakinabang at sibakin ka pa.
Tuwing araw ng Biyernes, umuuwi ako sa Lipa. Ang South Luzon Expressway
ay medyo sikip sa trapiko pero hindi naman magulo. Alam ba ninyo
kung bakit?
Dati apat na lane lamang. Dalawa sa magkabila. Pagkatapos ng kasalukuyang
construction, magiging walo. Apat sa magkabila.
Malaking tulong sa bayan ang idudulot ng pagpapalawak na iyan. Dati,
sobra isang oras ang biyahe ko patungo sa Lipa.
Sa palagay ko, wala pang dalawang oras ay nasa Lipa na ako mula
sa aking bahay sa Parañaque matapos ang pagpapalawak ng highway.
Ano ang ibig sabihin nito? Malaki at marami. Makatitipid ako sa
gasolina at panahon. ‘Di ba, malaking tulong sa bayan at ekonomiya
ang bagay na iyan?
Bukod pa diyan, maraming semento, aspalto at bakal ang ginagamit
sa pagpapaluwang ng kalsada. Kung ganun, lumaki ang benta ng mga
kasangkapang ito. May negosyong nabuhay.
Higit sa lahat, maraming tao ang nagkaroon ng hanapbuhay bilang
construction worker. Para hindi makaistorbo sa trapiko, sa gabi
ginagawa ang kalsada. Nagpupuyat ang mga construction workers
para sa ating kapakanan.
Maraming taon ang lumipas bago naumpisahan ang paggawa ng highway
patungong pier ng Batangas. Sa panahon ni Pangulong Arroyo nangyari
ang malaking bahagi.
Ginagawa na ang highway na magiging karugtong ng Star Tollway patungong
pier sa Batangas.
Malaking ginhawa sa mga negosyante dahil makakatipid sila sa oras
at gatong na gasolina o krudo.
Malaki na ang nagawa ng DBP sa nautical highway. Nakumpleto na ang
pag-uugnay ng Luzon sa Visayas at Mindanao. Wala man lang isa
sa Malacañang ang makapagmalaki na sa ilalim ng rehimen ni
Pangulong Arroyo, pagsakay mo sa air-conditioned bus sa Cubao, puwedeng
sa Leyte na o sa Davao ang bagsak mo.
Ang mga iyan ay maliliit na bagay kung ikukumpara sa dapat mangyaring
pag-unlad ng ekonomiya at sa harap ng walang hintong kurakutan.
Pero, makakabawas ang mga iyan sa galit kay Pangulong Arroyo kung
maipapaliwanag ng maayos sa pamamagitan ng media. Ako mismo ay handang
tumulong. Ang problema, nahihirapan naman akong makakuha ng mga
detalye na maiintindihan ng aking mga mambabasa.
Hangad ko rin naman na ipahayag sa bayan ang nagawa ni Pangulong
Arroyo dahil alam ko naman na kahit konti ay meron.
Ang problema ko, hindi ako binibigyan ng impormasyon. Pinapaikot
ako hanggang sa sumawa na ako.
Alam ko na tungkulin ko ang ipahayag sa bayan ang mabuti at masamang
nagawa ni Pangulong Arroyo.
Wala akong makuhang impormasyon tungkol sa nagawang mabuti.
Samantala, walang humpay na propaganda ang lumalabas
sa Malacañang halos araw-araw. Puro pulitika ang usapan.
Kaya naman natatabunan ang ilang mabuting nagawa ng rehimeng Arroyo
tulad na nga ng napakahalagang mga highway na magpapalago sa negosyo.
Halos dalawang buwan na ang nakakaraan mula ng sulatan ko ang mga
miyembro ng gabinete na may kinalaman sa ekonomiya. Gusto kong sa
kanila marinig ang mga plano ng rehimeng Arroyo sa pagsagupa sa
nakaumang na krisis.
Sa awa ng Diyos, wala isa mang sumagot. Pagkatapos sabihin ni Pangulong
Arroyo at tuta niya na wala raw kaming ginawa kundi maghatid ng
masamang balita, kaya naman nawalan ng tiwala ang mga Pilipino kay
Pangulong Arroyo.
Ang dahilan ay ayaw ninyong tulungan ang inyong sarili. Ako ay nagpipilit
pero wala namang nakikisama. Wala akong magagawa.
|