www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
s
Bakit sa tao ibubunton?

 

Sa simula’t simula ay naging masigasig na kabalikat kami ng mga magigiting nating “baya­ni ng kalsada”: ang mga tsuper ng mga pampasaherong sasakyan (mapa-jeep man, bus, taxi, tricycle, papadyak at iba pa).


Iba ang paghanga namin at respeto sa mga kababayan nating ito na parehas kung lumaban sa buhay at talaga namang nagbibigay ng napakahalagang serbisyo sa publiko na dili iba’t ang paghahatid sa mga pasahero sa kanilang destinasyon.


Ang mga tsuper ay isang napakaimportanteng sektor ng lipunan. Kaya nga ang kalaban nilang mga ‘kotong cops’ ay naging kalaban namin. Naging tagasuporta rin kami ng mga kampanyang magpapagaan sa kanilang araw-araw na pamamasada tulad ng kampanya laban sa kolorum. Inaway namin ang mga mapanikil na polisiya ng mga traffic enforcers, lalo na ng berdugong Metro Manila Development Authority (MMDA).


Sa bawat pag-aalburuto nila ay nakibahagi ang pahayagang ito upang maiparating sa mga kinauukulan ang kanilang sentimiyento. Hindi kami bumitaw hanggang sa makuha nila ang kanilang hinahangad na resulta.


Itong pangangalampag sa mga kumpanya ng langis para maibaba sa marapat at makatarungang presyo ang petrolyo ay todo-todo naming sinusuportahan sa pamamagitan ng regular na paglalathala nito sa munti naming mga pahina.


Ngayon ay nagbabanta ang isang grupo ng mga tsuper at operators na maglulunsad sila ng tigil-pasada ngayong Kapaskuhan bilang protesta sa tingi-tinging tapyas-presyo ng mga produktong petrolyo, lalo na nga raw ang pagmamatigas ng tinaguriang ‘Big 3’.


Tunay naman talagang nakakadismaya ito at hindi talaga makatarungan ang pagkakait ng murang gasolina at diesel sa publiko habang halos nakabalik na sa dating mababang presyo ang krudo sa world market.


Gayunpaman, sa pagkakataong ito ay maunawaan sana ng nasabing grupo na hindi kami kumbinsidong dapat idaan sa transport strike ang kanilang sentimiyento. Sa tigil-pasada kasi ay ang publiko ang unang-unang mapeperwisyo e wala namang kasalanan ang tao sa pagmamatigas ng ‘Big 3’.


Isa pa, ano naman ang epekto sa ‘Big 3’ kung magwelga man ang mga jeep at bus sa Pasko? Kumbaga, ang tigil-pasada ay walang direktang epekto sa ‘Big 3’ kaya walang mahihita ang ganitong klase ng protesta.


Kung ang ‘Big 3’ ang kanilang gustong puntiryahin, e ‘di idirekta nila rito ang pagkilos at huwag na sanang idamay pa ang publiko.

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section