Inatasan kahapon ng Malacañang ang Philippine
National Police (PNP) na palakasin ang ‘intelligence gathering’
laban sa mga robbery syndicate ngayong panahon ng Kapaskuhan bunsod
na rin ng tumataas na bilang ng mga robbery-hold up sa Metro Manila.
Nang mausisa dito, sinabi ni Executive Sec. Eduardo Ermita na bagama’t
wala silang nakikitang pagkukulang sa hanay ng pulisya, dapat itong
ikunsidera bilang “wake-up call” upang pag-ibayuhin
pa ang pagmamanman laban sa mga kriminal na inaasahang magsasamantala
sa publiko ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Giit ng opisyal, dapat na tumutok ang pulisya sa mga istratehikong
lugar na madalas na pinangyayarihan ng kriminalidad tulad ng pagnanakaw
at pilitin na mapababa kundi man ay ganap na masugpo ang bilang
ng robbery-hold up cases.
Aminado si Ermita na hindi maiwasan ang paglipana ng mga kriminal
ngayong panahon kung saan nakatanggap na ng Christmas bonus ang
mga empleyado ng gobyerno at pribadong sektor.
|