|
NANINGKIT sa galit ang mga mata ni Marian, nakita
kasing papasok ng simbahan si Mayor Bentolin na isinama pa si Propesora
Maniclang.
Walang puwang sa napakasagradong okasyong ito si Mayor
Bentolin, giit ni Marian sa isip. Dapat niyang itaboy ito sa seremonya
ng libing ng kanyang ama.
Naramdaman pala ng ina ang nais niyang gawin, nakita rin nito sina
Mayor Bentolin.
Pero nagpakahinahon ang ina, bumulong agad. “Anak, alalahanin
mo ang bilin ng tatay mo -- ang paghihiganti ay para sa Diyos lamang...
Huwag kang mag-iskandalo, Marian...”
“Pero, Inay... sobra ho ang galit ko sa demonyong mayor na
‘yan. Natitiyak ko hong siya ang nagpapatay kay Itay...”
“Wala tayong katibayan, anak.”
“Para hong puputok sa galit ang sarili ko kapag hindi ko man
lang siya nakumpronta, Inay. Pasensiyahan na ho!”
Sabay halos sa pagtatapos ng seremonyas sa simbahan ay sinugod nga
ni Marian si Mayor Bentolin.
Galit na galit na kinumpronta ang alkalde ng Delta. “Bakit
ka narito, Mayor? Tinitiyak mong patay na nga ang tatay ko?”
Namula sa magkahalong galit at pagkapahiya si Mayor Bentolin. “Teacher
Marian... naparito ako para makiramay. Ano ba’ng pinagsasasabi
mo?”
Si Propesora Maniclang ay napaurong, hindi rin inaasahan ang
kagaspangan ni Marian.
“Ikaw ang nagpapatay sa tatay ko, Mayor Bentolin!” luhaang
sigaw ni Marian. “Napakasama mo!”
Lumapit agad ang pari. “Mga kapatid... hindi tamang may sigalot
sa tahanan ng Diyos.”
Namumula pa rin sa galit pero nagpakahinahon si Bentolin. “Father,
kayo na nga po ang magsabi kay Teacher Marian... na ako’y
deboto na ni Mama Mary. Na ako’y namumuno sa pagrorosaryo
sa aking tanggapan minsan ‘sanlinggo, kasama ang
aking mga department heads...”
Sinegundahan ito ng sekretaryo ng mayor. “Tama po
iyon, Teacher Marian. May weekly rosary prayer kami sa munisipyo
na si Mayor ang nagli-lead. Maka-Diyos po kami.”
Ang pari ay lumagay sa gitna. “Deboto na nga ni Mama Mary
si Mayor Bentolin, Marian. Gayunma’y hindi ko sinasabing
ang bawat deboto ay namumuhay na ayon sa kalooban ng Diyos.
“Ang anumang sigalot ninyo ni Mayor ay sa ibang okasyon at
lugar ninyo idaos, mga kapatid. Naghihintay ng payapang libing
ang yumaong si Mang Polding.”
Huminahon pansamantala si Marian. Pero ang mayor at si Propesora
Maniclang ay minabuti nang umalis matapos mag-sign of the cross.
Unwelcome sila ng pamilya ni Mang Polding at ayaw nilang ipilit
ang mga sarili. (Itutuloy)
|