www.abante-tonite.com

www.ellentordesillas.com

  "GABAY NG DIYOS"

Sila’y nangabubusog ng sagana ng katabaan ng iyong bahay;

At iyong paiinumin sila sa ilog ng iyong kaluguran.

Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay;

Sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag.

PSALMS 36:8-9

 

MALALIMANG KILL PLOT

(Boyet Jadulco/Nilo Marasigan/Eralyn Prado/Rose Miranda/Al Jacinto/Juliet De Loza)

NADALE NA NAMAN!

Naglunoy na naman sa ulan at baha ang mga estudyante kahapon sa Metro Manila matapos ang walang warning na malakas na buhos ng ulan na nagbunsod sa pagkansela sa klase. (Art Son))

Itinuturing na malalimang pagpaplano ang ginawang pagpatay kay Basilan Rep. Wahab Akbar sa loob mismo ng compound ng Mababang Kapulungan, kung saan nananaig ang malawakang sabwatan.

Ang teyoryang conspiracy sa asasinasyon kay Akbar 

ay inilutang ni Sen. Juan Ponce Enrile na sinuportahan naman ni National Capital Region Command chief, Director Geary Barias.

Ayon kay Enrile, hindi magagawa ng iisang tao lang ang pagpapasabog sa Kamara na ang target lang ay patayin ang kongresista.

Naniniwala si Enrile na maraming grupo ang nagtrabaho sa paglikida kay Akbar at kabilang dito ang nag-aral sa galaw ni Akbar, gumawa at nagtanim ng bomba, nag-set ng detonation at lookout sa loob ng session hall.

Naisagawa umano ang asasinasyon dahil maluwag ang security sa loob ng Batasan complex. At sa sistema ng pagsabog, hindi umano siya naniniwala na ang institusyon ang target at hindi rin umano ito isang terorismo, kundi malinaw na murder.

"Yes, that is possible at isa iyan sa iniimbestigahan natin ngayon," ayon naman kay Barias na nagsabing sopistikado ang bombang ginamit sa pagpapasabog sa Kamara.

Sa panig ni Sen. Gregorio Honasan, tiniyak nito na nasa loob mismo ng Batasan ang nagpaputok ng bomba.

"Nakakabahala na ang pangyayaring ito sapagkat ang mga dapat protektahang mga opisyal ng gobyerno ang siyang nabiktima at napinsala," ani Honasan.

Sopistikadong bomba

Sinabi ni Barias na dynamite stick ang ginamit na main charge ng improvised explosive device base na rin sa traces ng TNT o trinitrotoluene. Ang mga ito ay controlled items at karaniwang ginagamit sa mining at quarrying activities.

"The one who made this bomb was pretty experienced. It is sophisticated," ayon naman kay PNP chief, Director General Avelino Razon, kung saan ang naturang bomba ay ginawa umano para lang patayin ang target na si Akbar.

Ang bomba ay sumabog na ang direksiyon ay 180-degree na tiyak na sasapul sa target. Nasawi sa insidente ang apat na katao, kasama si Akbar, samantala sugatan naman ang dalawa pang kongresista at ilang staff sa Kamara.

Mahinang intelligence

Nanlumo naman ang simbahang Katoliko dahil sa hina ng intelligence system ng pamahalaan kaya ito nalulusutan.

Dahil dito, iginiit ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na dapat gamitin ng mahusay ang intelligence fund ng security agencies, sa halip na gamitin sa pulitika.

Kinondena rin ni Novaliches Bishop Emiritus Teodoro Bacani Jr. ang pagsabog. "We should be the one to defend and protect life the best way we could because life is a gift from God," pahayag nito.

Walang emergency rule

Samantala, hindi mag-dedeklara ng emergency rule si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kabila ng madugong Batasan blast.

Ito ang tiniyak kahapon ni Chief Presidential Legal Counsel Sergio Apostol kung saan inakusahan pa nito ang oposisyon sa pangunguna ni United Opposition (UNO) president-Makati Mayor Jejomar Binay na may "mayamang imahinasyon" para palutangin ang nasabing bagay.

"No basis for that, that’s just a product of Binay’s fertile imagination. Any fear on emergency rule is baseless," ani Apostol.

Walang ubusan ng lahi

Sa pagkamatay ni Akbar, tiniyak ni Mayor Tahira Ismael ng bayan ng Lantawan na walang ubusan ng lahi na magaganap, base na rin sa bilin ng kongresista noong ito ay nabubuhay pa.

"Sinabi noon ni Congressman Akbar sa akin na kung siya ay mapatay ng tao ay sabihin sa mga kapatid na huwag gaganti," wika pa ni Ismael na kamag-anakan din ni Akbar.

Mabilis namang umeksena ang militar at sinabing trademark ng Abu Sayyaf ang naturang pambobomba. 

<BACK