Halatang-halata naman sila!

 

Natuwa kaming lahat sa Partido Liberal sa desis­yon ni Pampanga Gov. Eddie “Among Ed” Panlilio na pormal na sumumpa at sumapi sa aming partido. Alam naman nating lahat na hindi matatawaran ang kagitingan, kabutihan at kagalingan ni Among Ed bilang isang lider na luma­ban sa mga tiwaling opis­yal sa Pampanga lalung-lalo na ‘yung mga kakampi ng ating Pangulo roon. Bagay na bagay si Among Ed sa aming partido sapagkat siya ay isang marangal na li­der at ito ang aming motto sa partido, noon at ngayon ang Liberal ay marangal! Ilan pang mga miyembro ng partido bukod kina Senador Noynoy Aquino at Senador Mar Roxas ay sina Senador Kiko Pangilinan, Senador Rodolfo Biazon, Isabela Gov. Grace Padaca, Ifugao Gov. Teddy Baguilat at dating Bukidnon Cong. Neric Acosta na pa­wang mga halimbawa ng maayos at matinong pamama­lakad sa ating pamahalaan.


Marami pang mga pulitiko ang nais na sumapi sa a­ming partido ngunit hindi lahat ay aming tinatanggap. Kailangan kasing tignan ang kanilang nagawa para sa bayan at kung sila ba ay marangal at matinong mga li­der. Malakas si Noynoy ngayon sapagkat nakikita siya ng ating taong bayan bilang isang marangal na lider kaya naman maingat din ang ating mga kasamahan tulad nina dating Batanes Cong. Butch Abad at Cavite Cong. Jun Abaya na huwag mabahiran ang partido ng mga tiwaling pulitikong sasakay lamang sa popularidad nina Noynoy at Mar.


Hindi na rin nakakagulat na nag-umpisa nang maglabas ng kung anu-anong mga balita laban kay Noynoy ang kanyang mga kalaban sa pulitika. Noong isang araw lamang ay sinabi ni Cavite Cong. Jesus Crispin Remulla na nakinabang daw si Noynoy sa pagbenta ng Ha­cienda Luisita sa ilang lupain nito sa mga gumawa ng SCTEX. Nang tanungin siya kung may konkretong ebidensya ba siya na magdidiin kay Noynoy sa akusasyong ito, ang sagot niya ay wala at maghahanap pa siya. Si Remulla ay kapatid ni dating Cavite Cong. Gilbert Remulla na nga­yon ay tumatayo bilang tagapagsalita ni Senador Manny Villar. Masyado naman silang halata na handa silang maglabas ng kahit anong paninira para lamang ibagsak si Noynoy na patuloy namang nangunguna ng malayo laban sa kanilang amo. Ang nakakatawa pa niyan ay hindi ba’t si Villar nga ang hanggang ngayon ay hindi mapaliwanag ng maayos ang mga akusasyon tungkol sa pakikinabang ng kanyang kumpanya sa kanyang mga proyekto tulad ng sa C-5 na ipinukol laban sa kanya ng mga kapwa niya senador? Ilang buwan na rin itong iniimbestigahan sa Senado at patuloy na ayaw pa ring humarap at magpaliwanag ni Villar sa kanyang mga kapwa senador, ‘di kaya siya ang may tinatago?


***

Para sa inyong mga komento, paki-text sa 0922-8570496 o kaya ipadala sa kayanatin@yahoo.com.


 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section