Isang araw makaraang humarap si dating Department of Agriculture
(DA) Undersec. Jocelyn ‘JocJoc’ Bolante, panibagong
listahan ng mga kongresista at local officials na itinuturong
nakinabang sa P1.102 bilyong fertilizer fund ang lumutang sa
Senado.
Nakakaladkad naman dito ang 14 na kongresista sa Metro Manila at
sinasabing hiwalay pa umano ito sa naunang P728 milyon.
Sa 12-pahinang dokumentong napasakamay ng Abante, may kabuuang
195 alkalde, 14 Metro Manila congressmen at 48 pang kongresista
ang nakalista bilang proponent sa P1.102 bilyong fertilizer
fund noong 2004 national elections. Ang dokumentong ito ay isinumite
kay dating Sen. Ramon Magsaysay Jr., chairman ng committee on agriculture
noong 13th Congress at unang nag-imbestiga sa anomalya.
May kabuuang P188 milyong fertilizer fund ang nakalista sa
14 kinatawan ng National Capital Region (NCR) bilang proponent
kung saan tig-P3 milyon ang bawat isa, nangunguna si Parañaque
Rep. Eduardo Zialcita na naunang umaming tumanggap ng P5 milyon
habang itinanggi naman sa hearing kamakalawa ni Sen. Alan Peter
Cayetano, noo’y Taguig-Pateros congressman, ang paghingi ng
pondo kay Bolante.
Kabilang sa NCR congressman nakalistang proponent ng farm inputs
o fertilizer fund ang misis ni Senate President Manuel Villar Jr.,
na si Las Piñas Rep. Cynthia Villar, anak ni Sen. Rodolfo
Biazon na si Muntinlupa Rep. Ruzzano Biazon, Manila Rep. Ernesto
Nieva, Manila Rep. Jaime Lopez, Manila Rep. Rodolfo Bacani, Quezon
City Rep. Nanette Castelo Daza, Pasay City Rep. Consuelo Dy,
Makati Rep. Teodoro Locsin Jr., Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales
Jr., Marikina Rep. Del de Guzman, Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian
at Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo.
Paper trail
Nakatala ang pangalan ng mga proponent sa 2-pahinang dokumentong
isinumite ni dating Department of Budget and Management (DBM) Sec.
Emilia Boncodin, kinapapalooban ng P1.102 bilyong halaga ng
Special Allotment Release Order (SARO) at memorandum ng Budget and
Management Bureau-E (BMB-E) na nasa ilalim din ng naturang departamento.
May petsang Pebrero 11, 2004 ang SARO na inilabas ni Boncodin habang
Pebrero 9, 2004 ang memorandum ng BMB-E kung saan isang nagngangalang
Nora Oliveros ang nakapirma sa notice at naka-address kay DBM Undersec.
Mario Relampagos.
Sa memorandum na ipinadala ni Oliveros kay Relampagos, nilinaw
nitong hiwalay ang P1.102 bilyong Ginintuang Masagang Ani (GMA)
fund sa naunang P1.59 bilyong hiningi at ipina-release ni Bolante,
alinsunod sa direktiba ni dating Department of Agriculture (DA)
Secretary Luis ‘Cito’ Lorenzo.
May 48 pa!
Sa hanay ng 48 pang kongresistang nakalistang proponent ng P1.102
bilyong farm inputs, dalawa sa mga ito ang nagsisilbi ngayon
sa gabinete ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ito ay sina
Department of Budget and Management (DBM) Sec. Rolando Andaya (Camarines
Sur congressman noon) at Department of National Defense (DND) Sec.
Gilbert Teodoro (ng Tarlac).
Meron din ang mga mayor
Sa kabuuang 195 local officials nakalistang proponent ng P1.102
bilyong fertilizer fund.
Gayunpaman, hindi malinaw sa dokumento kung aktuwal nilang natanggap
ang pondo at kung magkano ang kanilang nakuha, ilang linggo bago
ang 2004 elections.
|