Umaabot sa 300 kilo ng double dead na karne ng
baboy ang nakumpiska ng mga tauhan ng Office of the City Veterinarian
(OCV) sa isang ilegal na katayan kahapon ng madaling-araw sa Pasay
City.
Napag-alaman na halos sa likod lamang ng bahay ni Pasay City Mayor
Wenceslao “Peewee” Trinidad nagaganap ang ilegal
na pagkatay ng baboy dahil sa gilid lamang ng kanyang bahay sa P.
Villanueva St., nakumpiska ng mga tauhan ni OCV chief Dr. Ronaldo
Benazor ang mga double dead na karne dakong alas-2:30 ng madaling-araw.
Ayon kay meat inspector Angelito Inocentes, nakatanggap sila ng
impormasyon hinggil sa ilegal na pagkatay ng baboy sa bahay ng isang
Ricky Mendoza sa naturang lugar na hindi na idinadaan sa pagsusuri
kung may sakit o patay na ang kinakatay na baboy.
Nabatid na maraming meat vendors sa Pasay Public Market ang
direktang kumukuha ng kanilang panindang karne ng baboy sa ilegal
na katayan dahil mas malaki ang kamurahan ng halaga nito kumpara
sa mga karne ng baboy na dumaan sa inspeksyon at pagsusuri ng OCV
bago katayin.
Nakatakas naman si Mendoza at ang kanyang asawa sa pamamagitan ng
pagdaan sa bubong ng kanilang bahay nang isagawa ng mga awtoridad
ang pagsalakay.
Nagtataka naman ang mga awtoridad kung bakit inihayag ni Barangay
Chairman Joseph Saria na hindi niya umano kilala ang mag-asawa gayung
nakatira ang mga ito sa nasasakupan niyang barangay.
Ang mga nakumpiskang karne ay dinala sa crocodile farm sa CCP Complex
upang ipakain sa mga buwaya.
|