|
Nakulimbat ng isa sa dalawang armadong holdaper
na magka-angkas sa isang motorsiklo ang mahigit P.5 milyong payroll
money, cellphone, credit card at mahahalagang dokumento sa empleyada
ng isang kompanya sa mapangahas na panghoholdap kahapon ng tanghali
sa Taguig City.
Sa imbestigasyon galing umano sa pagwi-withdraw ng salapi sa isang
bangko ang biktimang si Mercy Abareng, empleyada ng Zanpabrik Philippines
na nasa Bldg. 5 Sirloina St., FTI Western Bicutan nang harangin
ng dalawang suspect sa service road ng Katipunan area sa Western
Bicutan dakong alas-11:00 ng tanghali.
Puwersahang kinuha ng mga suspek ang handbag ni Abareng na naglalaman
ng salapi at nagmamadaling tumakas subalit nasabat sila ng mga tauhan
ng Traffic Management Unit ng Taguig police na pinangungunahan
ni SPO3 Ronald Dimaguila.
Matagumpay namang nakatakas ang isa sa mga holdaper tangay ang handbag
ng ginang subalit minalas na masakote ang kanyang kasamang si Rodelo
Sangrio 38, binata, tubong Quezon province at nakatira sa Dampa,
Parañaque City.
Kasalukuyan pang tinutugis ang nakatakas na suspek.
|