Kasama ng pito pang public servants, ako po ay
sumumpa bilang bagong miyembro ng Liberal Party noong nakaraang
Huwebes, Nobyembre 12. Ito ay naganap sa national headquarters ng
LP sa Cubao, Quezon City.
Ang komento po ng mga iilan, “Akala ko ba’y bagong pulitika
ang isinusulong ni Among Ed? Bakit siya sumapi sa isang matandang
partido na ang kanyang magiging kasama ay trapo?” At sabi
pa ng iba, “Wala, talagang trapo na rin iyang si Gov. Panlilio.
Bumagsak na rin sa kumunoy ng transactional politics!”
Matagal-tagal ko na ring nakasama sina Gov. Ted Baguilat ng Ifugao,
Gov. Grace Padaca ng Isabela, Mayor Jesse Robredo ng Naga City at
Councilor Bolet Banal ng Quezon City. Lahat po sila ay kasapi sa
LP. Sila ang nakapag-kumbinse sa akin na mabuting samahan ang LP
sapagkat napakabuti po ng mga public servants na ito. Ito ay maliwanag
kong kaalaman sapagkat kami ay magkakasama sa Kaya Natin na nabuo
sa tulong at pangunguna ni Prof. Harvey Keh ng Ateneo de Manila
University. Nitong mga nakaraang buwan ay sumama na rin sa amin
sina Congressmen Neric Acosta at TG Guingona ng Bukidnon.
Ang Kaya Natin ay binubuo ng mga nanunungkulan sa ating bansa na
nagpapamalas ng isang de prinsipyong pamamahala na ginagamit ang
pamantayan ng transparent, accountable, people participated
and principled politics.
Kaya nga hindi rin naging mahirap ang pagpapasya nina Mayors Lorenzo
ng San Isidro, Nueva Ecija, Jun Verzosa ng Taguidin, Ilocos Sur
at Tante Gerdan ng Sta. Fe, Nueva Vizcaya.
Inuulit ko po kapag mabubuti ang mga kasapi, tiyak na mabuti rin
ang kasapian.
At isasama pa po natin dito ang pamunuan ng LP na sina Senators
Noynoy Aquino at Mar Roxas na nagpakita ng pagiging simple, kababaan
ng loob, kabaitan at pag-aalay ng sarili. Hindi po perpekto ang
LP at hindi lahat ng mga kasapi rito ay masasabi nating tunay na
leader. Ngunit, sa tulong ng mga tunay na nagmamalasakit na Pinoy
na kahit hindi kasapi ng LP ay naniniwala na sa LP maaaring panggalingan
ng matagal na nating minimithing pag-asa ng ating Inang Bayan.
Ang pangalawa pong dahilan ng aking pagsapi sa LP ay ang konkretong
kalagayan sa amin sa Pampanga na kamukha ng maraming probinsiya
sa buong bansa. Malakas po ang ruling party sa amin. At napalakas
ng impluensya ng traditional, patronage, jueteng at money politics
halos sa lahat ng bayan. Ngunit sa bawat bayan din ay makikita natin
ang mga mamamayan at leaders na gusto nang baguhin ang politika
ngunit walang iisang makinarya ang nag-uugnay sa kanila upang sila
ay sama-samang magsulong ng panibagong pulitika.
Sa tulong ng panibagong pag-asa, isang sariwang hangin na ating
nalalanghap sa buong bansa bunga ng pagpapasyang paghabol ng magkatambal
na Noynoy at Mar, tanging ang LP lang ang maaaring magbunsod sa
mga ito. Nararamdaman ko at naniniwala akong pwede itong bigyang
daan ang pag-iral ng good governance, ethical leadership at responsible
citizenship sa Pampanga. At parang nakikita ko na ang ganitong daloy
ay ating masasaksihan sa buong bansa.
Isa pang dahilan kung bakit maipagmamalaki ko na ang LP ay isang
marangal na Lapian ay dahil mismo sa yumao kong ama. Ang aking Tatang
Basio ay naging konsehal at Vice Mayor sa aming bayan, ang Minalin,
noong 50s at 60s. Siya po ay nanilbihan ng malinis at mahusay.
Hulahan po ninyo ang kanyang sinamahang partido-Liberal
Party.
Para sa inyong mga komento, magpadala lamang ng text sa
0919-9575444.
Para sa inyong mga komento, pwede kayong magpadala ng email sa kayanatin@yahoo.com.
|